318 total views
Kapanalig, narinig mo na ba ang mga katagang gig economy? Alam mo ba ang kahulugan nito?
Ang gig economy kapanalig ay ang merkado kung saan ang mga digital platforms ang ginagamit upang mai-ugnay ang mga freelancers sa kanilang mga customers. Kadalasan, ang ugnayan na ito ay mga business transactions o contract na panandalian lamang. Ang mga halimbawa nito ay ang mga ride hailing apps gaya ng Angkas at ang mga food o product delivery apps gaya ng Grab at Lalamove. Buhay na buhay ang gig economy kapanalig, lalo na sa ating bansa. Sa katunayan, ito ang nagsalba sa maraming mga pamilya noong kahitikan ng mga mobility restrictions sa ating bansa dahil sa COVID-19.
Ang dami nitong naging benepisyo, hindi lamang sa mga freelancers na sakop nito, kundi pati mga customers at mga kompanyang kanilang sineserbisyuhan. Unang una, natiyak ng maraming mga kabahayan na may suplay ng sapat na pagkain sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng mga food at grocery deliveries. Pangalawa, naipagpatuloy ng mga negosyante ang kanilang kabuhayan kahit di nakakalabas ang kanilang mga customers dahil ang mga freelancers gaya ng mga riders ang naging tulay nila.
Pero sa gitna ng masiglang gig economy sa bansa, may anino pa ring umaaligid dito. Nagkaroon man ng trabaho ang napakaraming manggagawa dahil dito, hindi naman sapat ang kanilang kita pati ang kanilang social protection.
Isang halimbawa dito ay ang mga riders sa ating bayan. Tinatayang mga 400,000 na ang mga riders sa ating gig economy, at halos sila ay itinuturing na mga freelancers o independent contractors. At dahil independent contractors sila, karamihan sa kanila ay walang mga benepisyo gaya ng hospitalization benefits o kaya sick leave. Marami sa kanila ay maliit lang talaga ang kinikita kada delivery kaya’t marami sa kanila ay higit pa sa walong oras na nasa kalye, malapit sa disgrasya at malayo sa pamilya. Kahit pa nga may sakit, sumusugod sila.
Noong Nobyembre 1, isang rider ang natagpuan na lamang na patay habang nakahiga siya sa kanyang motor. Animo’y nagpapahinga – sumakabilang buhay na pala siya habang naghihintay ng order for delivery. Ang nangyari sa rider na ito ay hindi na sana maulit pa sa iba. Sa pagnanais na kumita para sa pamilya, minsan, buhay na ang kapalit, lalo na sa ekonomiyang nanggigipit sa manggagawa.
Kapanalig, panahon na upang suriing mabuti ang kalagayan ng mga riders at iba pang freelancers. Kailangan nating itaguyod at protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga dumarami pang manggagawa sa gig economy ng ating bayan. Paalala nga sa atin ng Rerum Novarum: Justice demands that the interests of the working classes should be carefully watched over by the administration, so that they who contribute so largely to the advantage of the community may themselves share in the benefits which they create-that being housed, clothed, and bodily fit, they may find their life less hard and more endurable.
Sumainyo ang Katotohanan.