365 total views
Hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission ang mananampalataya na paigtingin ang pagsasabuhay ng pananampalataya sa Panginoon.
Ayon kay Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona, MSP, mahalagang ipagpatuloy ng mamamayan ang pagiging saksi ng pananampalataya at pagbahagi nito sa kapwa bilang pakikiisa sa misyon ni Hesus sa sanlibutan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng buwan ng misyon na unang itinalaga ng simbahang katolika tuwing buwan ng Oktubre.
“Be a good Christian because by becoming good, we give witness to our catholic faith; when we give witness we are already spreading God’s love and message of salvation,” pahayag ni Bishop Mesiona sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na ang paggunita sa buwan ng misyon ay paalala na tungkulin ng bawat isa na maging kaisa at kabahagi ng misyon ni Hesus bilang mga binyagang Kristiyano.
Hiling ni Bishop Mesiona na sa pagganap sa misyon ay ipanalangin ang mga biktima ng COVID-19 na sa pandaigdigang tala ay mahigit 30-milyong katao.
Sa taya, libu-libong Filipino missionaries ang nasa iba’t-ibang bahagi ng daigdig na naglilingkod at nagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon kabilang na ang mga lay missionaries.
Dalangin ni Bishop Mesiona na sa paglago ng Kristiyanismo sa bansa ay mas mag-alab pa ang pananamapalataya ng mamamayan tungo sa pagkakabuklod-buklod.
“As we celebrate the 500 years of Christianity, sana patuloy tayong magiging isang simbahang may misyon; a missionary church,” dagdag ni Bishop Mesiona.
Sa ika – 18 ng Oktubre ay ipagdiriwang ng simbahan ang World Mission Sunday kung saan sa Pilipinas magkakaroon ng online catechesis sa pangunguna ng Commission on Mission ng CBCP.
Magsisimula ang online catechesis sa ika-10 ng Oktubre at magtatagal hanggang sa susunod na taon sa pagdiriwang ng ika – 500 taon ng Kristiyanismo at matutunghayan sa Facebook page ng CBCP Episcopal Commission on Mission at iba pang social media pages ng simbahan.
Patuloy namang hinimok ni Bishop Mesiona ang bawat isa na gamitin ang bawat pagkakataon na ibahagi ang misyong paglingap sa kapwa at ipadama ang pag-ibig ng Diyos at patuloy na suportahan ang misyon ng simbahan.
“If we have opportunities sana we can reach out sa ating mga kapatid at ipadama natin ang pagmamahal ng Dios, ipadama natin ang Kanyang concern sa bawat isa,” ani ng obispo.