300 total views
Mga Kapanalig, uminit na naman ang ulo ni Pangulong Duterte. Ngayon naman, hinahamon niya ng giyera ang Canada kung hindi nito babawiin ang basurang nanggaling doon at itinambak dito limang taon na ang nakalilipas. Totoong mali ang gawing basurahan ng ibang bayan ang Pilipinas. Dapat itong tutulan, dapat papanagutin ang mga maysala, at dapat ibalik ang basura sa pinanggalingan nito.
Gaya ng inaasahan, exaggeration na naman daw ang paghahamon ng giyera ng pangulo. Kung sabagay, basura lamang ba ang magiging dahilan ni Pangulong Duterte upang matapang na ipagtanggol ang ating bayan? Paano pa kaya kung mga yamang-dagat na natin gaya ng mga bahura at taklobo ang sinisira ng mga dayuhan? Paano pa kaya kung mga mangingisda na natin ang itinataboy ng mga dayuhan mula sa ating karagatan? Paano pa kaya kung teritoryo na natin ang gawing collateral para lamang makahiram tayo sa ibang bansa? Hindi ba’t mas malalaking isyu ang mga iyon upang manggalaiti sa galit si Pangulong Duterte at maghamon—o kahit magbiro—siya ng digmaan sa isang bansa? Ano sa tingin ninyo, mga Kapanalig?
Linawin natin na hindi ang pamahalaang Canada mismo ang nagpadala ng tone-toneladang basurang ilang taon nang nakatengga sa ating mga daungan. Commercial transaction iyon ng isang negosyong nakabase rito sa Pilipinas, at, paliwanag ng pamahalaang Canada, may mga umiiral itong batas na nagbabawal na magpasok ng basura sa kanilang bansa. Kinikilala rin daw nito ang kautusan ng korte rito na ipinababalik ang basura sa Canada, at patuloy na nakikipag-ugnayan ang kanilang pamahalaan sa ating pamahalaan upang mawala sa Pilipinas ang basura sa lalong madaling panahon. Mukhang hindi naabisuhan si Pangulong Duterte tungkol dito kaya siya nakapaghamon ng “giyera” sa Canada.
Hindi natin sinasabing seryosohin dapat ni Pangulong Duterte ang banta niyang makipaggiyera sa ibang bansa. Hindi rin natin sinasabing hamunin din niya ng digmaan ang mga bansang inaagrabyado tayo sa loob ng ating teritoryo. Bilang miyembro ng United Nations, ang Pilipinas ay nangakong hindi gagamit ng dahas laban sa ibang bansa; hindi ito magsisimula ng giyera.
Mula naman sa lente ng mga panlipunang turo ng Simbahan, magandang paalala ang sinabi ni St John Paul II sa ensiklikal niyang Centesimus Annus. Hindi giyera ang tutuldok sa hidwaan at hindi pagkakaunawaan ng mga bansa—kahit pa tungkol ito sa basura. Ang kailangan, sabi ng yumaong Santo Papa, ay mga konkretong hakbang upang lumikha at magtatag ng mga istrukturang magsisilbing tulay sa mga bansa upang maitaguyod ng bawat isa ang kanilang mga karapatan at mapayapang makarating sa isang patas na kasunduan. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa kakayahan ng bukás na ugnayan sa pagitan ng mga bansa upang planstahin ang kanilang hindi pagkakaunawaan nang hindi idinadaan sa digmaan. Diyalogo, hindi digmaan, ang pinakamainam nating tugon—sa mga bansa mang ginagawang tapunan ng basura ang ating bakuran o sa mga bansang pumapasok sa ating bakuran upang kunin ang mga bagay na dapat ay pinagbabahaginan ng lahat.
Mga Kapanalig, kung hindi kaya ng pinakamataas na lider ng ating bansa na magpreno sa kanyang mga sinasabi, tayong mga mamamayan ang maging mahinahon at mag-isip nang mabuti. Sa halip na gatungan ang mga pananalitang maaaring ikapahamak pa natin, himukin natin ang ating mga pinuno na pumanig sa kapayapaan ngunit nananatiling may paninindigan sa harap ng mga nang-aagrabiyado sa atin—kung nangako ang mga ito ng aksyon, hanapan natin sila ng aksyon; kung patuloy ang pang-aagrabiyado nila sa atin, dumulog tayo sa mga makatutulong na maayos ang gusot. Katulad nga ng sinabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma, “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao.”
Sumainyo ang katotohanan.