206 total views
Mga Kapanalig, dahil sa blind item ng pinakamataas na pinuno ng ating bayan, lumutang ang mga haka-haka kung sino ang kumakandidato sa pagkapangulo ang gumagamit ng cocaine. Gamit ang podium na may sagisag ng pangulo ng Pilipinas, sinabi ni Presidente Duterte na may isang mayamang kandidatong mahinang lider na nga, paglalarawan pa niya, gumagamit pa ng mamahaling cocaine.
Maliban sa nakadidismaya ang pagpapakalat ng malisyosong impormasyon ni Pangulong Duterte, mas nakadidismaya ang paliwanag niya kung bakit nananatiling malaya pa rin ang kandidatong pinaratangan niyang gumagamit ng droga. Alam naman natin kung gaano ipinagmamalaki ng pangulo at ng kanyang masusugid na tagasuporta ang marahas na war on drugs ng administrasyon. Napatunayan daw ng pangulong tunay na malulutas ang problema natin sa droga sa pamamagitan ng kamay na bakal.
Pero bakit nga raw malaya pa ang kandidatong inakusahan niyang gumagamit ng cocaine? Paliwanag ng pangulo, ang mga mayayamang gumagamit ng droga ay nasa kanilang mga yate o pribadong eroplano. Doon nila ginagawa ang kanilang mga bisyo kaya hindi nahuhuli ng mga pulis. Anong masasabi mo rito, Kapanalig?
Ano kaya ang mararamdaman ng mga may anak o magulang na walang kalaban-labang pinatay ng mga pulis o mga vigilante dahil sa pinaghihinalaan silang sangkot sa droga? Ano kaya ang mararamdaman ng mga puwersahang hinuli ng mga pulis at inilagay sa masikip na kulungan dahil sa napakaliit na halaga ng droga? Ano kaya ang mararamdaman ng mga nasa mahihirap na komunidad na nabalot ng takot dahil sa agresibong pagsugod ng mga pulis? Kung ganito ang paliwanag ng pangulo kung bakit ang mga mayayamang gumagamit ng droga ay hindi basta-basta hinuhuli, iisipin siguro ng mga mahihirap na target ng war on drugs ng administrasyon na sana ay naging mayaman din sila. Estado sa buhay naman pala ang batayan kung sinu-sino ang huhulihin at hindi, sino ang mabubuhay at sino ang papatayin.
Kung inyong matatandaan, naging laman din ng mga balita ang anak ng isang prominenteng business tycoon na na-dismiss ang kasong drug posession. Cocaine din ang natagpuan sa kanyang kuwarto kung saan natagpuang patay ang kanyang kasintahan. Hinuli ng mga pulis ang lalaki ngunit iniutos ng korteng palayain siya dahil hindi raw nasunod ng mga pulis ang tamang paraan ng pagmamarka at pagtitipon ng nakumpiskang droga.
Malinaw na malinaw: ang giyera laban sa droga ay giyera laban sa mahihirap. Sa mahigit anim na libong napatay sa mga operasyon ng mga pulis, hindi kakaunti ang mga nakatira sa mga mahihirap na komunidad. Hindi pa rito kasama ang mga biktimang pinatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek, na ang ilan ay sinasabing konektado rin sa mga pulis. Tinatayang nasa 27,000 hanggang 30,000 ang mga biktimang ito.
Hindi natin sinasabing dapat ding patayin ang mga mayayamang gumagamit ng droga. Mayaman o mahirap, lahat ay may dignidad at sagradong buhay na dapat igalang at pakaingatan. Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, binigyang-diin ni Pope John XXIII na bagamat ang pangunahing layunin ng pamahalaan ay ang pagkamit sa kabutihang panlahat, hinihiling ng prinsipyo ng katarungang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mahihirap. Ito ay dahil salat sila sa kakayanang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at igiit ang mga nararapat para sa kanila bilang mga mamamayan. At wika nga sa Mateo 25:40, ang anumang ginagawa natin sa mahihirap ay para na rin nating ginagawa kay Hesus.
Mga Kapanalig, sa giyera ng pamahalaan kontra droga, hindi na nga nabibigyan ang mahihirap ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili, sila pa ang pinakamabilis na pinapatay. Sa giyerang ito, dehadong-dehado ang mahihirap, at ito ay isyu ng kawalang-katarungang mas nagpapaigting ng ating mga suliranin bilang isang bayan.