273 total views
Mga Kapanalig, marami ang nagulat at nabahala nang sabihin noong nakaraang linggo ng pangulo ng bansang Indonesia na si Joko Widodo na nagbigay na si Pangulong Duterte ng kanyang “go signal” upang ituloy na ang pagbitay sa kababayan nating si Mary Jane Veloso. Itinanggi ito ng mga tagapagsalita sa palasyo, at sinabing iginagalang lamang niya ang sistema ng katarungan sa Indonesia. Ngunit kumabig muli si Pangulong Duterte nang sabihin niyang hindi raw magandang tingnan na sa gitna ng maigting na laban ng kanyang administrasyon sa ipinagbabawal na gamot ay maninikluhod siya upang isalba ang buhay ng isang Pilipinong nasangkot sa pagpuspuslit ng masamang droga sa ibang bansa. Kasabay nito, binawi ni Pangulong Widodo ang kanyang sinabi at ipinaliwanag na ang “go signal” ni Pangulong Duterte ay hindi para sa pagbitay kay Mary Jane kundi para sa pagpapatupad ng proseso ayon sa kanilang batas.
Natapos ang nakaraang linggo nang may lumulutang na tanong sa ating mga isipan: Pumapayag na nga ba ang ating pamahalaang bitayin si Mary Jane?
Ngunit mas nakagugulat pa sa posisyon ng pangulo hinggil sa isyung ito ang mistulang pagbabago sa mga opinyon ng ating mga kababayan. Sa mga lumabas na kuro-kuro lalo na sa social media, ang noo’y mariing pagtutol sa pagbitay kay Mary Jane at pagbibigay ng katarungan para sa kanya ay napalitan ng mga matitigas na posisyon gaya ng “ang batas ay batas” at “nararapat lamang na maparusahan si Mary Jane.” Nakababahala ito, mga Kapanalig.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang kagustuhan ni Pangulong Duterte na ibalik ang parusang kamatayan para sa mga taong gumagawa ng karumal-dumal na krimen o heinous crimes. Mayroon siyang mga kaalyado sa Kamara at sa Senado na naghain na ng mga panukalang batas para sa ganitong porma ng pagpaparusa. Kaya’t hindi nakapagtatakang suportado niya ang sistemang pangkatarungan sa Indonesia.
Ngunit naniniwala pa rin tayong maraming Pilipino ang naninindigan para sa buhay ng lahat. Oo nga’t iginagalang natin ang mga patakarang umiiral sa ibang bansa, ngunit hindi pa rin nito iniaalis sa ating pamahalaan ang obligasyong ipaglaban ang ating mga kababayang napapatawan ng parusang kamatayan, lalo na kung naniniwala tayong biktima lamang sila ng malalaking sindikato at drug cartel. Ito ang tiniyak ng nakaraang administrasyon: ang papanagutin ang mga bumiktima kay Mary Jane. Ito ang ipinaglaban ng iba’t ibang grupong nanawagan noon upang bigyang katarungan si Mary Jane at nagbunsod nga iyon ng pagkaka-postpone ng pagbitay sa kanya. Hahayaan ba nating mauwi sa wala ang labang iyon?
Sa inilabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na “Ethical Guidelines on Proposals to Restore Death Penalty”, pinaaalalahanan tayong mga Katolikong Pilipino na ang death penalty ay labag sa kabanalan ng buhay at dignidad ng tao, kahit ng mga nagkakasala sa batas. Ang parusang kamatayan ay taliwas sa plano ng Diyos para sa ating mga tao at sa lipunan, at labag din sa maawain at mapagpatawad na katarungang kanyang iginagawad sa lahat. Dahil paghihiganti ang nasa likod ng pagkitil sa buhay sa pamamagitan ng death penalty, gaya ng ikinakatwiran ng ating pangulo, hindi ito masasabing tunay na katarungan.
Ngunit, mga Kapanalig, paulit-ulit man nating sabihin at suportahan si Mary Jane sa pagkamit niya ng hustisya, hindi pa rin sasapat ito kung ang mismong mga taong kumakatawan sa atin ay hindi naniniwala sa halaga ng buhay at dignidad ng tao, kung ang taong dapat sana’y nangunguna sa pagtataguyod ng ating karapatan ay walang pagkilala sa mga ito, at kung ang mga taong ating hinalal ay may pagkiling sa paggamit ng karahasan.
Maging mapagbantay po tayo. Lakasan natin ang ating mga boses bilang mga Katolikong may pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng bawat tao at may pag-ibig sa kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.