174 total views
Nagbabala si dating National Security Adviser Roilo Golez na hindi dapat magtiwala sa mga nagpapakilalang kaibigan ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ng dating mambabatas hinggil na rin sa mga alok na tulong ng China sa Pilipinas.
Pinaalalahanan ni Golez ang pamahalaan na sa kabila ng mga tulong, dapat maging mapagbantay ang Pilipinas sa inaangking teritoryo dahil patuloy ang China sa pagtatayo ng mga establisimyento at paliparan sa mga pinagtatalunang isla kabilang na ang West Philippine sea.
“Ingat tayo, mas mag ingat nga tayo sa mga may dalang regalo na may masamang tangka at masamang pagnanasa sa ating kayamanan. So let us be very careful,” ayon kay Golez.
Una na ring nagbanta ang China na hindi maaring makialam ang ‘outsider’ sa South China Sea o 9 ang dash line.
Taong 2015, nang humiling ng panalangin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa payapang pagresolba sa usapin ng agawan sa teritoryo sa pagitan ng China nang iakyat ang usapin sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Golez, base sa naging desisyon ng arbitral tribunal isinantabi ng korte ang pag-angkin sa teritoryo kaya’t ang lahat ay may karapatan na dumaan dito.