150 total views
Nanawagan ang isang Opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Pamahalaan na tutukan ang National Food Authority (NFA) para sa kapakinabangan ng mahihihirap na mamamayan dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Ito ang pahayag ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari kasunod ng panawagan ng ilang mambabatas na alisin ang NFA dahil sa bigong gampanan ang mandating pagtiyak sa sapat suplay sa abot kayang halaga sa pamilihan.
Ayon sa Obispo, nakatutulong sa mamamayan ang NFA dahil dito lamang makabibili ng mababang presyo ng bigas.
“Siguro, mahalagang tutukan ng Pamahalaan ang pamunuan ng NFA kasi nakatulong naman ito sa mamamayan. Dapat maalis yung Korapsyon sa Ahensya para maging maayos ang pamamalakad nito,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Hiling din ng Obispo sa Gobyerno na tulungan ang mga magsasaka sa bansa upang maisulong at mapalago ang lokal na produksyon ng bigas.
Kabilang sa mga nanawagan na alisin ang NFA sina Senators Cynthia Villar, Aquilino Pimentel III at Francis Drilon.
Nais naman ng ilang mambabatas na suriin at pag-aralan ang maaring kahihinatnan kung tuluyang alisin ang NFA bilang ahensyang nangangasiwa sa suplay ng bigas sa bansa.
Ang National Food Authority ay itinatag sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1770 noong Enero 1981 na layuning maisulong ang paglago sa Industriya ng palay sa Bansa at agtiyak sa seguridad ng suplay ng abot kayang halaga ng bigas para sa mga Filipino.
Sa kasalukuyan mayroong 15 regional offices ang NFA habang 86 naman ang provincial offices.
Dahil dito hinimok din ni Bishop Mallari na magtulungan ang Pamahalaan at Simbahang Katolika sa ikabubuti ng bawat mamamayan sa bansa na higit na apektado sa mga usaping panlipunan tulad ng kakulangan ng suplay sa pagkain.
“Mahalagang magkaisa ang Pamahalaan at Simbahan para na rin sa kapakanan ng mga tao,” dagdag ng Obispo.
Kinilala rin ng Simbahan ang malaking ambag ng sektor ng pagsasaka sa pag-unlad ng isang Komunidad dahil sa pagsusumikap nitong makapaghatid ng pagkain sa bawat mamamayan.