1,628 total views
Inaasahan ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga manggagawa.
Ito ang mensahe ng grupo sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa May 01.
Inihayag ni Rochelle Poras, Executive Director ng EILER, na nararapat pahalagahan ng pamahalaan ang mga manggagawa dahil sila ang nagsasalba sa sektor ng ekonomiya.
Pananalangin din ng EILER mawakasan na ang “contractualization” na nagpapahirap sa kabuhayan ng mga manggagawa.
“Panalangin natin na makamit ng mga manggagawa ang dignidad sa paggawa: ang magkaroon ng nakabubuhay na sahod na sasapat sa pangangailangan ng kanilang pamilya, ligtas na lugar-paggawa, at angkop na proteksyon at suportang panlipunan sa mga panahong nagigipit ang mga manggagawa,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Poras sa Radio Veritas.
Tiwala din si Poras na nananatili ang simbahan na kaagapay ng mga manggagawa sa tulong ng mga labor ministry at commissions.
Nanindigan si Poras na dapat ipagmalaki ng bawat binyagang katoliko na si San Jose na kumupkop at nag-alaga sa Panginoong Hesukristo ay ang Patron ng mga Manggagawa.
“Ang simbahan ay katuwang ng mga manggagawa sa pagkilala sa karapatan at dignidad sa paggawa. Sa pamamagitan ng mga Labor Desk ng simbahan ay nagkakaroon ng ugnayan at tulungan na higit na nakakapagpalakas ng boses ng mga manggagawa. Mahalagang maipagmalaki ng mga manggagawa na ang ama ni Kristo na si San Jose ay isa ring manggagawa. Sa gayon, hindi mahirap isipin na sila rin ay maaaring maging mga tagapaghatid ng tunay na pagbabagong panlipunan,” pagbabahagi pa ni Poras.
Una naring ipinananawagan ni Balanga Bishop Ruperto Santos na piliin ang mga kandidatong tutuparin ang kanilang mga plataporma’t uunahin ang kapakanan at hindi aabusuhin ang karapatan ng mga manggagawa.
Nawa ayon sa Obispo ay gawing ding huwaran ng mga mamamayan si San Jose na Manggagawa na walang pag-aatubiling sinunod ang mga utos ng Diyos sa pagpili ng mga susunod na lider na magsasabuhay ng layunin ng Panginoon para sa lipunan.
Noong May 01 1903 ng unang gunitain ang araw ng paggawa sa Pilipinas matapos isagawa ang kilos-protesta sa pangunguna ng Union Obrero Democratia de Filipinas (UODF) upang ipananawagan sa pamahalaan ang pantay at may dignindad na karapatan ng mga manggagawa.
May 01, 1913 naman nang unang ideklara at ganap na maisabatas ang International Labor day bilang National Holiday.