204 total views
Napapanahon nang itaas ang kamalayan ng mamamayan sa kahalagahan ng Mental health.
Ito ang binigyang diin ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa kanyang Pastoral Visit On-Air sa himpilan ng Radyo Veritas sa tumataas na kaso ng pagpapatiwakal sa bansa.
Tinukoy ni Bishop David na na maraming kaso ng pagpapatiwakal ang hindi ganap na ibinabahagi ang tunay na dahilan ng pagkamatay dahil sa negatibong persepsyon ng mga residente sa kumunidad.
Ayon sa Obispo, ang mga nagpapatiwakal ay biktima lamang ng depresyon na hindi alam kung paano malalagpasan ang kanilang labis na kalungkutan at pighating nararamdaman.
“Sa amin sa Diocese of Kalookan lalong lalo na sa mga urban poor communities yung mga mission stations namin, mga parokya namin malalaman lang ito kung minsan hindi kaagad you know during the mass or yung blessing kung minsan through other people malalaman nila na ganoon pala ang naging sitwasyon noong namatay na siya ay biktima ng suicide, tinatawag natin silang biktima that they are victims of depression so we don’t say they killed themselves we say depression killed them parang they did not know how to cope with this depression…” pahayag ni Bishop David.
Dahil dito, iginiit ni Bishop David na naaangkop lamang ang pagsasabatas ng Mental Health Law sapagkat napapanahon nang maipalaganap ang kahalagahan ng Mental Health at mabuksan ang kamalayan ng mamamayan sa sitwasyong pinagdaraanan ng mga dumaranas ng mental health problems.
“Ngayon kailangan maitaas na yung kamalayan ng ating mga pamayanan, ating mga communities tungkol sa health issue na tinatawag nating Mental health at nagpapasalamat nga tayo at least napirmahan na yung Mental Health Law pero yung pag-iimplement doon sa batas matagal yan…” Dagdag pa ni Bishop David.
Umapela rin ang Obispo sa Department of Health na mas maging aktibo sa pagsasagawa ng drug rehabilitation program sa bansa.
Sinabi ni Bishop David na ang drug addiction o ang substance use disorder ay isang uri din ng mental health problem na dapat tugunan sa pamamagitan ng gamutan at paraang medikal sa halip na karahasan at pagpaslang.
“Ako nga china-challenge ko ngang pilit ang Department of Health na maging mas involve sila sa drug rehabilitation program because even drug addiction is a mental health issue na hindi gaanong tinatanggap ng iba, it’s a mental disease kaya nga substance use disorder ang tawag diyan, minsan parang ang pag-iisip natin tungkol sa drug user parang kapag sinabi mo drug user kaagad negative ang pag-iisip…” Apela ni Bishop David.
Naunang tinukoy ng Simbahan na hindi lamang mga institusyong pangkalusugan ang kinakailangan tumutok sa tumataas na kaso ng mental illness sa iba’t ibang bansa kundi maging ang lahat ng sektor at institusyon sa pamayanan.
Ayon sa pagsusuri ng UN-WHO kalimitang nagsisimula ang mental illness sa murang edad pa lamang na kadalasang nauuwi naman sa pagpapatiwakal pagdating sa edad na 15 hanggang 29 na taong gulang kung hindi agad na maagapan.
Sa Pilipinas, nabatid mula sa datos ng Department of Health na mula taong 2016 ay umaabot na sa 2,413 ang kaso ng suicide sa bansa.
Bagamat nananatili ang posisyon ng Simbahan na hindi opsyon at dapat na kunsintihin ang pagpapatiwakal ay hindi naman ipinagkakait nito ang karapatan sa mga nagpakamatay na tumanggap ng pagkalinga at pagbabasbas.
Sa kasalukuyan, patuloy ang iba’t-ibang institusyon ng Simbahan at mga Diyosesis sa pagtugon sa tumataas na bilang ng suicide sa bansa.
Read: Simbahan, naalarma sa tumaas na kaso ng suicide sa Bohol… Project Bohol, inilunsad