258 total views
Hindi kumbinsido ang pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas na mabawasan ang pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dr. Marita Wasan, walang malinaw na indikasyong matigil na ang mga pagpaslang dahil hindi kapani-paniwala ang mga pahayag ng Pangulong Duterte.
“Hindi kami naniniwala hanggat hindi namin [layko] nakikita ang katotohanan na pagbibigay hustisya sa bawat pamilya ng bawat taong pinatay dahil sa droga,” pahayag ni Wasan sa Radio Veritas.
Pinuna ni Wasan at ibang human rights group ang patuloy na karahasan sa giyera kontra droga na pawang mga mahihirap ang napapaslang habang ang mayayamang sangkot sa ipinagbabawal na gamot ay nakalalaya.
Ikinalungkot din ng opisyal ang pag-iral ng kultura ng kawalang pakialam ng ibang mamamayan sa tunay na sitwasyon ng bansa.
Batay sa tala ng iba’t-ibang human rights group, mahigit na sa 20-libong indibidwal ang nasawi dahil sa panlalaban sa war on drugs.
Mariin namang itinatanggi ito ng Philippine National Police at iginigiit na anim na libo lamang ang nasawi sa mga lehitimong operasyon.
Umaasa si Wasan na makapagbalangkas ang gobyerno ng wastong mga programa para sa pamilyang naulila sa giyera kontra droga at mabigyan ng tunay na katarungan ang bawat biktima.
“Hindi pa namin nakikita kung ano ang mga programa para sa pamilya ng mga namatay kaya mag hintay tayo gusto ko makita bago ko sabihin na ang gobyernong ito ay may malasakit sa mahihirap,” giit ni Wasan.
Ika – 10 ng Disyembre ng magtipon ang mga grupong nagsusulong at nagtataguyod sa karapatang pantao upang gunitain ang mga biktima ng iba’t ibang uri ng human rights abuses kasabay ng pagdiriwang sa ika – 71 anibersaryo ng International Human Rights Day.
Umaasa ang mga lingkod ng simbahan na magkaisa ang mamamayan tungo sa pagkamit ng mapayapang lipunan na may pagkilala sa pantay na karapatan ng bawat indibidwal.