196 total views
Nanawagan si Rev. Father Dan Cancino – Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Healthcare sa pamahalaan na magkaroon ng community based rehabilitation para sa mga sumusukong drug users na kinakailangan ng kaukulang atensyon.
Paliwanag pa ni Fr. Cancino, mas magiging epektibo ang paggaling ng mga drug dependents kung mayroong isang komunidad o pamilya na nakaagapay at nagpapakita ng buong pagtanggap sa kanilang pagkatao.
Upang makamit ito, kinakailangang maging ang pamilya o komunidad ay i-rehabilitate din, sa gayon ay magiging handa ito sa pagbabalik at pagbabagong buhay ng isang dating drug dependent.
“Dapat tingnan din natin yung family at young social preparation, so that pag na rehabilitate natin yung tao, mayroong uuwian na pamilya na rehabilitated din, na mayroong pamilya na handa ding magbago para doon sa kanilang mahal sa buhay,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino.
Samantala, ipinahayag rin ng pari na bagama’t maaari namang makatulong ang isolation o paghihiwalay sa mga drug users ay kinakailangang pansamantala lamang ito.
“In a sense, isolation for quite some time may help, but the more comprehensive modality, yung pamilya has an important role in rehabilitation of these individuals,” dagdag pa ng Pari.
Batay sa Dangerous Drugs Board mayroong 15 government-owned at 27 private drug rehabilitation centers sa bansa na accredited ng Department Of Health.
Sa pinaka huling datos naman ng PNP umabot na sa 500,000 ang bilang ng mga drug users at pushers na sumuko at kinakailangang maisailalim sa rehabilitation program.
Sang-ayon naman sa katuruan ng kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical nitong Amoris Laetitia, hindi dapat husgahan o pag-usapan ang mga taong nagkakasala, bagkus nararapat ipakita sa kanila ang maawain at mapagpatawad na pag-ibig ng Diyos Ama.