235 total views
Naniniwala ang Department of Budget and Management na kailangang mamuhunan ang gobyerno para sa kabataan na layuning maiangat ang ekonomiya ng bansa at mabawasan ang mga mahihirap.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ito ang dahilan kung bakit mula sa P3.35 T ay 40 porsiyento ang inilaan sa education, health at social services.
Giit ni Diokno, kailangang maging sapat ang tulong ng pamahalaan lalu na sa edukasyon ng mga kabataan para sa sususunod na henerasyon.
Aniya ang karunungan ay isang susi para makawala sa kahirapan.
‘They will developed our young into a productive, flexible and competent work force, pag may trabaho ka I’m sure mawawala ka sa poverty,’ paliwanag pa ni Diokno.
Sa isang ulat, isa sa bawat 10 batang Filipino na may kabuuang bilang na 36 milyon ay hindi pumapasok sa mga paaralan.
Sa isang pahayag sinabi ni Caritas Philippines chair Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na may kakayahan ang mga mahihirap na iangat ang kanilang pamumuhay kung mabibigyan lamang ito ng pagkakataon na makapag-aral at makapagtrabaho.
Sinabi ng Arsobispo sa ganitong paraan ay magiging malaki ang kanilang maiaambag para sa lipunan at hindi maging pabigat sa pamahalaan.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2015-nasa 21.6 percent ang poverty rate ng bansa na bahagyang bumaba kumpara sa taong 2012 na umaabot sa 25.2 percent. (Veritas News Team)