181 total views
Nanawagan ng pakikiisa at pagkikipagtulungan sa bawat mamamayan si Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar sa gitna ng banta ng mga terorismo sa bansa matapos ang pagsabog sa Davao City kung saan 14 ang namatay habang mahigit sa 60 katao ang nasugatan.
Sa mensaheng ipinaabot ng Kalihim, binigyang diin nito ang civic responsibilities o tungkulin ng bawat mamamayan sa lipunan upang sama-samang mapagtagumpayan ang banta laban sa kaayusan at katahimikan sa bansa.
Pagbabahagi ni Andanar, bukod sa pag-aalerto sa pwersa ng mga pulis at mga sundalo sa bansa, ay kinakailangan rin ang aktibong pakikipagtulungan ng mga mamamayan upang mas maprotektahan ang kapakanan ng bawat isa mula sa mga terorista.
“The best way is to get our acts together as a government and as one people. Because if we stop what we are doing, parang nanalo ang terrorista,” ang bahagi ng pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar.
Kaugnay nito, isinailalim na sa Nationwide Full Alert Status ng Philippine National Police ang buong bansa habang naka-heightened alert na rin maging ang Armed Forces of the Philippines na agad na nagpakalat ng mga pulis sa iba’t ibang lugar upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan.
“We have to accept the fact that our government is on a serious war against illegal drugs and against terrorism in Sulu and Basilan, and these terrorists will always find a way to retaliate, of course yun ang trabaho nila to terrorize people.” Dagdag pa ni Andanar.
Samantala, batay sa pagsusuri ng Global Terrorism Indez noong 2013, pang-siyam ang Pilipinas sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng terorismo na kagagawan ng mga grupong New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Abu Sayaf Group na gumagawa ng mga serye ng suicide bombing bilang taktika ng pag-atake.
Kaugnay nito, una nang nanawagan sa taumbayan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na huwag mag-panic at maging vigilant o mapagmatyag sa mga kaganapan sa kapaligiran at makipagtulungan sa mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.