272 total views
Iminungkahi ni Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa pamahalaan na ikonsidera ang gagawing nationwide strike sa Lunes ng mga drivers at operators laban sa nagbabadyang jeepney phaseout.
Ayon kay Bishop Bagaforo, kinakailangang magkaroon ng dialogue ang mga apektadong drivers at operators kasama ang pamahalaan para magkaroon ng win–win solution at mapaghandaan ang nalalapit na phaseout ng mga 15-taong jeepney at UV express.
Kinatigan rin ni Bishop Bagaforo ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin dahil sila ang mga pangunahing maapektuhan ng jeepney modernization program.
“Mabuti na ang economic condition, sitwasyon at future ng ating mga ordinaryong mga drivers at mga operators. Maaaring drastically they will be affected by that kind of policy. Win – win solution siguro dahan – dahang implementasyon, phase – by – phase implementation o di kaya sectoral implementation. Siguro pag – aralan mabuti dialogue talaga.”pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide(PISTON)at convenor ng ‘No To Jeepney Phaseout Coalition’ na nasa 600 libong PUJ drivers at 250 libong operators ang maapektuhan ng modernization o corporatization sa mga pampasaherong jeep.
Samantala, limang transport group ang hindi lalahok sa gagawing malawakang strike sa Lunes.
Sinasabi sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika na kailangan ang isang dayalogo upang mailatag ang mga hindi pagkakaunawaan at masulosyunan sa mapayapang diskusyon ang saloobin ng dalawang panig na apektado ng isang usaping panlipunan.