558 total views
Nasa kamay ng gobyerno ang pag-ahon sa kahirapan ng mga Pilipino.
Ito ang pagbibigay-diin ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa matapos maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.5% ang naitalang inflation rate noong Disyembre 2021.
Sa kabila nito ay naitala naman sa kabuuan ng 2021 ang mataas na 4.5% inflation rate kumpara sa higit 2% lamang noong 2020.
“Hindi ito magandang umpisa sa bagong taon pero maraming magagawa ang pamahalaan para mabawasan ang paghirap ng napakaraming Pilipino. Kailangan lang iwasto ang baluktot na pananaw sa ekonomiya at gamitin ang rekurso at awtoridad ng gubyerno para sa kagalingan ng nakakarami at ‘di lang ng iilan,” mensahe ni Africa sa Radio Veritas.
Nilinaw ni Africa na bagama’t mababa ang inflation rate na naitala noong nakalipas na buwan ay hindi nito ibig sabihin na mananatili ang presyo ng mga bilihin sa halip ay pinapabagal lamang nito ang hindi maiiwasang pagtataas ng presyo.
Ayon naman kay Laban Konsyumer Incorporated President Atty. Victor Dimagiba, bukod sa pagbaba ng demand ng ilang bilihin ay patuloy ding pinapahirapan ng mataas na inflation rate ng mga bilihin higit ng produktong petrolyo ang mga manggagawang maliit ang kinikita.
“‘Yun mataas na presyo sa kuryente, gasoline, tubig ay nasa 5 pct. Masakit sa bulsa ng manggagawa. ‘Yun 3.5 pct ay dulot ng mga items na slow demand and sales last December,” ayon naman sa mensaheng ipinadala ni Dimagiba sa Radio Veritas.
Iminungkahi ni Africa na kaakibat ng pagtatanggal sa buwis na ipinapataw sa mga produktong petrolyo gamit ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law ay makakatulong din sa ekonomiya ang pagpapaigting ng pamahalaan sa mga patakarang ipinatutupad laban sa banta ng COVID-10 virus.