96,645 total views
Mga Kapanalig, sa ikalabindalawang kabanata sa Ebanghelyo ni San Juan, matutunghayan natin ang ilang Grieyong dumayo para sa Pista ng Paskwa upang hanapin si Hesus. Nilapitan nila si San Felipe at nakiusap, “Ginoo, ibig naming makita si Hesus.”
Ang mga salitang ito mula sa Juan 12:21 ang tema ng pagdiriwang ngayong taon—at ngayong araw mismo—ng Pista ng Traslacion ng Itim na Nazareno. Ayon kay Fr Hans Magdurulang, parochial vicar ng Simbahan ng Quiapo, binibigyang-diin ng temang ito ang kahalagahan ng ating pagtuon kay Hesus sa tulong ng taimtim na debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno. Pagkakataon ang kapistahan ng Traslacion upang ibaling natin ang ating atensyon sa tunay na pinagmumulan ng pag-asa at pagkakaisa sa ating buhay—si Hesus na ating Panginoon.
Totoong napakaraming hamon sa ating buhay na laging sumusubok sa ating pananampalataya sa Diyos. Marami sa ating ramdam pa rin ang hirap ng buhay pagkatapos ng pandemya. Hindi pa rin nawawala ang banta sa ating kalusugan at tunay nga namang napakabigat na pasanin sa sinumang pamilya ang magkaroon ng miyembrong nakaratay sa banig ng karamdaman. Sa tindi ng mga kinakaharap na problema sa araw-araw, marami rin sa atin ang pinanghihinaan na ng loob at nababalot ng dilim ang kaisipan. Sa mga pangyayaring ito sa ating buhay, tayong mga Katoliko ay laging pinaaalalahanang ibigin na makita si Hesus, at sa milyong-milyong deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, nakikita nila ang kanilang pag-asa sa Diyos na buhat-buhat sa Kanyang balikat ang mabigat na krus. Ito nga marahil ang dahilan kung bakit milyun-milyong Katoliko ang dumadagsa sa Traslacion taun-taon.
Ngunit bilang mga Katoliko, tayo rin ay inuudyukan ng ating pananampalatayang makita ang mukha ni Hesus—hindi lamang sa mga imahen o larawan—kundi sa ating kapwa, lalo na sa mga mahihina at dukha. Ito ang laging paalala ni Pope Francis. Sa isang panayam noong 2013, sinabi niya, “Each one of us is invited to recognize in the fragile human being the face of Jesus who, in his human flesh, experienced the indifference and loneliness to which we often condemn the poorest.”
Napapaligiran tayo ng mga kapatid nating nangangailangan sa buhay. Sa mga lansangan, lagi tayong may makikitang mga bata at matatandang walang masilungan. Sa mga pampublikong ospital, matatagpuan natin ang mga kapatid nating maysakit. Sa mga bilangguan, nagtitiis sa siksikang espasyo at kakaunting pagkain ang mga nakakulong. Sa mga liblib at malalayong lugar, napag-iiwanan ng mga serbisyo ang mga katutubo. Sa mga mahihirap na lugar, maraming hiráp makahanap ng hanapbuhay—kabilang ang mga tsuper ng jeepney na hindi nakasabay sa PUV modernization program.
Nangangako ang gobyernong tutulong sila sa mahihirap. Ngayong 2024, may badyet daw itong halos kalahating bilyong piso para sa tinatawag na social amelioration program. Nasa 48 milyong Pilipino ang mabibigyan ng cash assistance na limanlibong piso. Pero one-time cash assistance lamang ito; ibig sabihin, isang beses lang makatatanggap ang mga benepisyaryo, walang nang kasunod pa. Malaking bagay ito sa mga makatatanggap pero bakit hindi tayo maghanap at magbigay ng pangmatagalang solusyon?
Baka mas makatulong kung ang iaalok ng gobyerno ay permanenteng pabahay, libreng pagpapaospital para sa mahihirap, mas maayos na mga bilangguan, kuryente at kalye sa mga nasa malalayong lugar, at paglikha ng mas maraming trabahong angkop sa kakayahan ng mga tao. Baka lang naman.
Mga Kapanalig, hindi lamang nakasalalay sa ating sariling pagkakawanggawa ang pag-aangat sa mga kapatid nating mahihina at dukha. Nariyan ang gobyerno upang mas marami ang maabutan ng tulong. Ngunit ang kailangan natin ay isang gobyernong nakikita rin ang Panginoon sa mahihirap, isang gobyernong nagsisilbing instrumento ng pagkalinga ng mga mamamayan sa kapwa nilang nangangailangan.
Sumainyo ang katotohanan.