189 total views
Tunay na nangungusap sa kaniyang nilalang ang Panginoon.
Ito ayon kay Lingayen -Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz kaugnay na rin sa isang pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa ulat, galing ng Japan ang Pangulong Duterte at patungong Davao City nang ‘mangusap ang Diyos’ at nangako naman siyang hindi na magmumura.
Sinabi naman ni Cruz na ang pakikipag-usap ng Diyos ay karaniwan namang nangyayari subalit hindi ito malalaman ng ibang tao kung ano ang katotohanan- dahil ito ay sa pagitan lamang ng Diyos at ng iyong sarili.
‘So, this is between God and President Duterte. Sa atin, malalaman natin kung tayo ang kinausap. Ako malalaman ko kung ako. Pero kung kinausap siya o ung iba di natin malaman di tayo makakatiyak.’
Ayon pa kay Cruz, “Silang dalawa ang nagkakaalaman noon kung talagang kinausap sya. Kung kinausap sya salamat naman kahit paano para sa kabutihan niya ‘yon. Kung hindi sya kinausap at kung ito ay naramdaman nya mabuti rin. Pero whether siya kinausap o hindi, its Good news. Kasi hindi magandang pakinggan ung mga ganung salita, lalu na sa isang Pangulo.”
Ayon sa arsobispo, bilang mga nilalang ng Panginoon-nangungusap ang Diyos sa bawat isa subalit dahil sa ingay ng ating mundong ginagalawan ay maaring hindi natin ito naririnig.
“Ang tawag doon ay Divine Providence na ang Panginoon ang kaniyang nilalang…yung kaniyang sinasaklawan niya para sa kabutihan ang magdala sa kanila. Not something out of normal, pagkat mahal tayo, nilalang tayo, tinubos tayo. Aba’y siyempre bilang magulang, pagsasabihan,” paliwanag ni Archbishop Cruz.
Ayon naman kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs- walang standard na basehan para masabing totoo nga’ng Diyos ang nagsasalita at kausap ng tao.
Paliwanag ni Secillano, sa kasaysayan ng mga santo na nagsabing nakausap nila ang Diyos, ito ang madalas na palatandaan:
– ang mga mensaheng kanilang narinig ay consistent sa katuruan ng simbahan.
– kung ito man ay bago, napatunayan din itong totoo sa mahabang panahong pag-iimbestiga ng simbahan dahil paulit-ulit itong binabanggit na mensahe galing mismo Diyos.
– hindi lang isang beses nakipag-usap ang Diyos base sa kasaysayan ng mga Santo na nagsabing nakakausap nila ang Panginoon.
Giit pa ni Fr. Secillano, “Depende sa uri ng tao kung paniniwalaan ang kaniyang sinasabing nakakausap niya ang Diyos dahil sa madalas, mga “mystic” o yung may kakaibang kakayahang magpalagom ng kanilang pagninilay ang nabibigyan ng pagkakataong makausap ang Diyos.”
Sa kabilang banda, patuloy namang hinihikayat ng arsobispo ang bawat mananampalataya na tuwina ay manahimik sa kanyang taimtim na pagdarasal para marinig ang pangungusap ng Panginoon.
‘When we pray, we better also listen iyon po ang katotohanan nito. Pag tayo nagdarasal, huwag nating hayaan na tayo lang ang nagsasalita sa Panginoon. Makinig din tayo, dahil bumubulong din po yan, Diyos yan, buhay na buhay. Bihirang bihira po yung taong kinakausap tapos makikiunig lang tapos walang sagot. Walang kibo, pag nagdarasal tayo sa Diyos makinig tayo. Kapag magulo talaga di mo maririnig. Baka malunod ung tinig ng panginoon, taimtim na nananalangin tahimik tayo, k alma din tayo para madinig ang Panginoon,” ayon pa kay Archbishop Cruz.
Si Archbishop Cruz ay isa lamang sa mga pari na nakatanggap ng pagmumura mula sa Pangulo, bukod pa kay Pope Francis nang dumalaw ito sa Pilipinas noong 2016 dahil sa masikip na trapiko-bagama’t humingi naman ang Pangulo ng paumanhin.
Hindi rin nakaligtas sa masamang pananalita ni Pangulong Duterte si US President Barack Obama at Ban Ki Moon ng United Nations.