14,688 total views
Itinuring na ‘mercy in action’ ng St. Joseph the Patriarch Parish sa Mabolo Cebu City ang kawanggawang isinagawa ng ilang delegado ng 5th Asian Apostolic Congress on Mercy (AACOM).
Ayon kay Parish Priest Fr. Benedicto Tao mahalagang maibahagi ng mga delegado ang habag at awang naranasan sa pakikiisa sa AACOM upang maisakatuparan ang ninanais ng Panginoon na padaluyin ang kanyang walang hanggang awa sa sanlibutan.
“It’s mercy in action, I would like to remind the delegates after the experience of the love and mercy of God that they have felt must also be shared with others…good works should not be divorced from mercy,” pahayag ni Fr. Tao sa Radio Veritas.
Sa ikaapat na araw ng AACOM nagtungo ang mga delegado sa iba’t ibang mga parokya para sa kanilang immersion kung saan namahagi ito ng mga bundle of joy tulad ng bigas at iba pang pagkain sa mga kapus-palad.
Kabilang ang St. Joseph the Patriarch Parish sa mga napiling lugar sa immersion kung saan humigit kumulang sa 100 kataong nasasakop ng parokya ang pinagkalooban ng tulong.
Pinuri ni Fr. Tao ang gawain sapagkat ito ang isa sa mga konkretong hakbang upang maipadama sa kapwa ang habag at awa ng Panginoon lalo na sa mga higit nangangailangan sa lipunan.
Paliwanag ng pari na ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay dapat na maipapamalas sa pamamagitan ng paglingap sa kapwa partikular na ang mga mga mahihina at naisasantabing sektor ng pamayanan.
“We should also know that we are God’s instruments for other people’s prayer to be heard through our good action,” ani Fr. Tao.
Bukod sa St. Joseph the Patriarch Parish binisita rin ng mga delegado ang Archdiocesan Shrine of St. Therese of the Child of Jesus, Archdiocesan Shrine of the Most Sacred Heart of Jesus, Archdiocesan Shrine of San Nicolas de Tolentino, Archdiocesan Shrine of Our Lady of Lourdes, Our Lady of the Sacred Heart Parish, Our Mother of Perpetual Help Parish, Cebu Metropolitan Cathedral, at San Roque Parish.
Tema ng ikalimang AACOM ang Divine Mercy Pilgrimage of Hope in Asia kung saan bukod sa Pilipinas siyam ng mga bansa pa ang nagpadala ng delegado sa pagtitipon.