27,095 total views
Inihayag ni Jesuit Communications (JesCom) Executive Director at GomBurZa Executive Producer Fr. Nono Alfonso, SJ ang posibleng pagpapalabas ng historical film na GomBurZa sa nakatakdang ika-sampung serye ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE).
Ayon sa Pari, akma ang mensahe ng pelikula sa tema ng PCNE X ngayong taon na ‘Salya: Let us cross to the other side’ na hango sa ebanghelyo ni San Marcos kabanata apat talata 35.
Pagbabahagi ni Fr. Alfonso, bilang isa sa executive board ng PCNE kabilang sa natalakay ang posibilidad ng pagsasagawa ng film showing para sa mga delegado.
Paliwanag ng Pari, kabilang sa ipinaglaban ng tatlong pari ang pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan na napapanahon pa ring usapin sa kasalukuyang panahon.
“Actually nag-request na kasi bahagi din ako ng executive board ng PCNE, nag-request na sila na kung pwedeng isang gabi merong film showing, sabi ko why not diba. Yung tema po ng PCNE sa January 19 to 21 ay Synodality at ito yung ipinaglaban kung tutuusin nung tatlong pari, ang baba ng tingin sa kanila nung mga Kastilang Pari, ng mga Espanyol na Pari ang baba ng tingin sa kanila pero ipinaglaban nila na equal dignity.” Ang bahagi ng pahayag ni Fr. Alfonso.
Kaugnay nga nito una na ring pinalawig ang pagpapalabas sa mga pelikulang kabilang sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023 hanggang sa ika-14 ng Enero, 2024.
Ang ‘GomBurZa’ ay isang daglat o pinagsama-samang mga bahagi ng apelido ng tatlong martir na paring Pilipino na binitay ng mga Kastila sa pamamagitan ng garote noong ika-17 ng Pebrero taong 1872 dahil sa mga paratang ng pagpapatalsik sa pamahalaan na nagdulot ng pag-aalsa sa Cavite noong 1872.
Ang historical film na GomBurZa ay gawa ng Jesuit Communications (JesCom) at MQuest Ventures sa pakikipagtulungan ng CMB Film Services.
Ang pelikula ay sa ilalim ng direksyon ni Pepe Diokno, tampok sina Dante Rivero bilang Padre Mariano Gomes, Cedrick Juan bilang Padre Jose Burgos, at Enchong Dee bilang Padre Jacinto Zamora; magkakaroon naman ng espesyal na pagganap sa pelikula si Piolo Pascual bilang Padre Pedro Pelaez na siyang nagsilbing guro ni Padre Jose Burgos.