39,344 total views
Hinikayat ng Jesuit Communications ang publiko na tangkilikin ang pelikulang GomBurZa na kabilang sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.
Ayon kay Jesuit Communications (JesCom) Executive Director at GomBurZa Executive Producer Fr.Nono Alfonso, SJ ang pagkakapabilang ng pelikula sa 49th MMFF ay isang pagkakataon upang maipamalas sa mas maraming manunuod ang mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng buhay pananampalataya at paninindigan para sa bayan ng tatlong Pilipinong paring martir na sina Mariano Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora.
Kabilang sa layunin ng pelikula ayon pa kay Fr. Alfonzo na mapalalim ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mahalagang tungkuling ginampanan ng simbahan sa kasaysayan ng Pilipinas, gayundin ang pagiging makabayan ng mga Pilipino.
“Dito po sa Pilipinas plinano namin ito mga 8 years ago ang pinakamalaking kumbaga, media platform when it comes to films ay walang iba kundi yung Metro Manila Film Fest for 2-weeks walang ibang papanuorin yung mga Pilipino kundi ito lamang yung mga pelikulang Pilipino, that’s why we were so happy na nakasama kami because we have 2-weeks to evangelized the whole country about the martyrdom and the important role of the Catholic Church sa kasaysayan po ng Pilipinas,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Alfonso sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Pari, napapanahon din ang pangunahing mensahe ng pelikula na paninindigan sa katotohanan sa lipunan kung saan tila nauulit lamang ang dinanas na paninira at maling paratang ng tatlong paring martir sa kasalukuyang panahon na talamak ang pagkalat ng fake news at red-tagging.
“’Yung tatlong Pari sila ay naparatangan kumbaga na-fake news sila, na-red-tagged sila and so on, samantalang napakadalisay po nitong tatlong paring ito at nauulit ito ngayon so para po sa akin ang pinakamensahe ng pelikulang ito na manindigan tayo para sa totoo.” Dagdag pa ni Fr. Alfonso.
Ang ‘GomBurZa’ ay isang daglat o pinagsama-samang mga bahagi ng apelido ng tatlong martir na paring Pilipino na binitay ng mga Kastila sa pamamagitan ng garote noong ika-17 ng Pebrero taong 1872 dahil sa mga paratang ng pagpapatalsik sa pamahalaan na nagdulot ng pag-aalsa sa Cavite noong 1872.
Ang historical film na GomBurZa ay gawa ng Jesuit Communications (JesCom) at MQuest Ventures sa pakikipagtulungan ng CMB Film Services.
Ang pelikula ay sa ilalim ng direksyon ni Pepe Diokno, tampok sina Dante Rivero bilang Padre Mariano Gomes, Cedrick Juan bilang Padre Jose Burgos, at Enchong Dee bilang Padre Jacinto Zamora; magkakaroon naman ng espesyal na pagganap sa pelikula si Piolo Pascual bilang Padre Pedro Pelaez na siyang nagsilbing guro ni Padre Jose Burgos.
Mapapanood ang GomBurZa sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga sinehan sa buong bansa simula sa December 25 hanggang sa January 7, 2024.