171 total views
Kinatigan ng pamunuan ng Episcopal Commsission on Biblical Apostolate ng Catholic Bishops’s Conference of the Philippines ang panukalang Mandatory Bible reading sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, ang pinuno ng CBCP-ECBA, malaking ambag sa paghuhubog ng lipunan ang panukalang pagbabasa ng Banal na Kasulatan sa mga paaralan.
“Definitely that’s good news, magandang initiative ‘yan, kasi kung i-allow ‘yan sa mga schools, napakaganda niyan sa paghuhubog ng isip at puso ng ating kabataan,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Aniya, mahalagang matutuhan ng isang bata ang mga Salita ng Diyos sa murang kaisipan at magsisilbing gabay sa paglaki para maging responsableng mamamayang bahagi ng pamayanan.
Binigyang diin ni Bishop Bancud na magaganap ito sa tulong ng pamilya o ang pagpapakilala ng Banal na Salita sa mga tahanan, sa eskwelahan at ang komunidad na kinabibilangan upang higit na mapaunawa sa bata ang kahalagahan ng Salita ng Diyos sa buhay ng tao.
“Kung matutunan lang natin lahat, na BASAHIN, PAGNILAYAN at ISABUHAY ang Salita ng Diyos ito’y magdudulot sa atin ng tunay na kapayapaan at buhay na matiwasay,” ani ni Bishop Bancud.
HOUSE BILL 2069
Naniniwala si Manila 6th District Representative at Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na maging maayos at maglilingkod ng tapat ang mga lider ng pamahalaan kung nakaugaliang sinusunod at nahuhubog ang Salita ng Diyos habang bata.
Sa ilalim ng panukalang Mandatory Bible Reading Act ni Abante, nais nitong maging bahagi sa curriculum ang pagbabasa ng bibliya sa pampublikong paaran ng elementarya at sekundarya.
Sinabi naman ni Bishop Bancud na kabutihang panlahat ang iniisip ng mambabatas sa pagsusulong ng Mandatory Bible reading.
“It will be for the good of all people,” saad ni Bishop Bancud.
NATIONAL BIBLE DAY
Magugunitang ika – 20 ng Disyembre 2018 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11163 kung saan idineklarang special holiday ang huling Lunes ng Enero para gunitain ang National Bible Day.
Ikinatuwa naman ni Fr. Conegundo Garganta, executive secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Youth ang panukala ni Abante sapagkat lalong napagtibay nito ang Proclamation 124 na inilabas ng Pangulong Duterte noong 2017 na nagdedeklarang National Bible Month ang buwan ng Enero.
Positibo si Father Garganta na makatutulong ito sa gawain ng Simbahan na palaganapin ang mga Salita ng Diyos sa bawat mananampalataya upang mas titibay ang pananalig sa Panginoong nakaugat sa Salita ng Diyos.
Bilang predominantly Christian na bansa kinikilala ng pamahalaan ang kahalagahan ng bibliya bilang sentro ng Kristiyanong paniniwala.
Ayon naman kay CBCP Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, bagamat kinikilala nito ang panukalang gawing mandatory ang pagbabasa ng Bibliya, mahalaga ring igalang ang pananampalataya ng ibang estudyante tulad ng mga Muslim, Buddhist at iba.
Mungkahi ni Bishop David na gawing elective subject na lamang ito sa mga paaralan upang mabigyang pagkakataon ang iba ang paniniwala na maisabuhay rin ang kanilang pananampalataya.
Batay sa tala 25 milyon ang bilang ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan na maaring kasama sa mandatory bible reading at dalangin ng pinuno ng CBCP-ECBA para sa mga mambabatas na patuloy magampanan ang tungkulin para sa kabutihan ng bawat mamamayan.
“Ipagdasal natin ang lahat ng ating mambabatas nang sa gayon ay kanilang matapat na magampanan ang ipinagkatiwalang katungkulan para sa kapakanan ng lahat,” saad ni Bishop Bancud.