13,596 total views
Lubos na nagpapasalamat ang Diocese of Surigao sa suporta ng mga kapanalig para sa nalalapit na online concert ng Caritas Manila at Viva Live Inc. para mga nasirang simbahang ng bagyong Odette.
Ayon kay Rev. Fr. Denish Ilogon, Social Action Director ng Diyosesis ng Surigao, kasama sa kanilang mga pagdarasal ang tagumpay ng online concert na pinamagatang PADAYON, pag-ibig, damayan sa pag-ahon na gaganapin sa ika-25 ng Marso.
Nagagalak si Fr. Ilogon na mapabilang ang kanilang mga Simbahan sa benepisaryo ng konsyerto dahil wala silang kakayanan sa kasalukuyan na maipatayong muli ang mga nasirang simbahan.
“Malaking bagay po ito kaya ako ay nagdadasal talaga at nagnanais na yun iba ay mabuksan din ang kanilang puso na although marami naman talaga ang matulungin at nagbabahagi ng kanilang mga biyayang natatanggap ako ay dumadalangin din na maraming mga tao ang bukas ang kanilang puso para tumulong” pahayag ni Fr. Ilogon sa panayam ng Radyo Veritas.
Matatandaang hindi nakaligtas sa pinsala ng bagyong Odette ang mga Simbahan at dahil sa pagtutok ng mga Diyosesis sa relief and rehabilitation program ay hindi naging prayoridad ang pagpapatayo nitong muli.
RELATED STORY:
Pagpapatayo ng bahay sa mga nasalanta ng bagyong Odette, prayoridad ng Diocese of Surigao
Umaasa si Fr. Ilogon na malaki ang maitutulong ng PADAYON para sa kanilang Diyosesis at maging sa iba pang napinsala ng bagyong Odette.
“Hindi lang sa Surigao kundi maging sa iba pang Dioceses na naapektuhan ng bagyo. Ako ay nagpapasalamat sa mga tumulong at handa pang tumulong at ipaabot ang kanilang mga resources para sa simbahan” dagdag pa ng Pari.
Magtatanghal ang mga kilalang mang-aawit mula Viva Incorporated sa gaganaping online concert.
Ang pondong malilikom ay ilalaan ng Caritas Manila para sa may 20 Simbahan o Kapilya na nasira ng bagyong Odette sa 10 napiling Diyosesis.