517 total views
Nakakolekta ng mahigit sa P50,000 ang Ignacian Marian Council (IMC) bilang pantulong at suporta sa mga madre ng Congregation of the Religious of the Virgin Mary o RVM Sisters na lubhang naapektuhan ng coronavirus disease sa Saint Joseph Home sa Quezon City.
Ang donation drive na ito ay tinawag na RVMagtulungan #IgnacianMariansParaSaMadre kung saan umabot sa kabuuang halaga na P50,164 ang nakalap na pondo ng IMC, bukod pa rito ang mga in-kind donations.
Nagpapasalamat naman ang grupo sa mga bukas-palad na nagpaabot ng kanilang mga tulong upang matustusan ang mga pangangailangan ng mga apektadong RVM Sisters at mga lay personnel ng kumbento.
“The IMC would like to express its utmost gratitude to all those who have supported this worthwhile initiative,” pahayag ng IMC mula sa kanilang facebook page.
Ang Ignacian Marian Council ay bahagi ng Basic Education Department ng St. Mary’s College sa Quezon City na pinamamahalaan ng mga RVM Sisters.
Samantala, patuloy pa ring pinag-iingat ng RVM Sisters ang publiko laban sa mga mapagsamantalang ginagamit ang pangalan ng mga madre upang makapangalap ng pondo.
Sa mga nagnanais magpahatid ng tulong para sa mga naapektuhan ng COVID-19 sa loob ng kumbento, tawagan lamang ang RVM Secretariat sa mga numerong (02) 8723-4414 o sa 0920-418-1981.