324 total views
July 13, 2020, 11:19AM
Paiigtingin ng Caritas Manila ang pagtugon sa kahirapan sa bansa lalo na ngayong nahaharap sa krisis na dulot ng corona virus pandemic.
Bukod sa pagtugon ng social arm ng Archdiocese of Manila sa pangangailangan ng mahihirap na apektado ng pandemya, muling palalakasin ng institution ang edukasyon na isang mahalagang susi upang tuluyang makaahon sa kahirapan ang mamamayan.
Dahil dito, inaanyayahan ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila ang mamamayan na suportahan ang isasagawang telethon para pondohan ang programang pang edukasyon ng simbahang katolika.
“Nawa ating tangkilikin ang [Youth Servant Leadership and Education Program] YSLEP ng Caritas Manila; magkakaroon po ng special telethon upang makalikom ng pondo para sa mga kabataan na ating pinag-aaral,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Iginiit ng pari na isa ang edukasyon sa pinakahamahalagang sangkap upang makaahon sa kahirapan ang bawat mamamayan kaya’t nararapat lamang ito bigyang pansin.
Pagbabahagi ni Fr. Pascual na tinatayang nasa 4, 300 ang bilang ng mga scholar sa buong Pilipinas na kinabibilangan hindi lamang ng mga katoliko kundi maging ng mga Muslim at katutubo.
“Kung gusto natin makaahon sa kahirapan mag-aral tayo; sapagkat naniniwala tayong education is the great social equalizer,” dagdag pa ni Fr. Pascual.
Gaganapin ang YSLEP special telethon sa ika – 16 ng Hulyo na mapakikinggan sa Radio Veritas 846 mula ikaanim ng umaga hanggang ikaanim ng gabi at matutunghayan sa Veritas846.ph Facebook page.
Sa mga nais magbahagi ng kanilang financial assistance sa mga scholar ng Caritas Manila, maari lamang tumawag sa 8925-7931 hanggang 39 o mag-text sa 09188374827 o 0918-VERITAS.