199 total views
Binigyan ng pasang-awang grado ng Center for Energy Ecology and Development ang papaalis na Administrasyong Aquino sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Gerry Arances, convenor ng CEED, sa anim na taong panunungkulan ni PNoy, maraming kumpanya itong binigyan ng permit upang makapag-operate gaya ng coal-fired power plants na nakasisira sa kalikasan, sa kalusugan at maging sa komunidad.
Gayunman, hindi bagsak ang grado ng papaalis na administrasyon dahil sa ipinalabas nitong resolusyon sa Climate Change Commission na nag-aatas na pag-aralan muli ang mga polisiya sa enerhiya kasabay ng moratorium sa mga gawain ng nasabing mga kumpanya.
“Sa aming pagtaya, sa anim na taon, matagal na nagtutulak ng napakaraming batas para sa ating kalikaksan, andiyan ang alternative minerals management bill, na itinulak ng mga komunidad na naapektuhan ng pagmimina. Sa tingin nila mahalagang mabago ang mga batas na pumapabor sa mga dayuhang kumpanya na sumsisira sa kalikasan. Subalit hindi ito naging priority bill kasama ang iba pang panukalang batas na nagnanais na ayusin at protektahan ang kapaligiran.
May legacy na ganito si PNoy, pero kami rin ay kahit huli na, naihabol at nagagalak kaming may naiwan siya na isa dito ang paglagda sa resolusyon sa Climate Change Commission na i-review ang polisiya sa enerhiya. Alam natin siya ang may pinakamaraming pinirmahang kontrata ng coal-fired power plants, lahat ng apektadong komunidad at organisayon maging ang Simbahan binabatikos ang administrasyon,” pahayag ni Arances sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag ni Arances, sa nasabing resolusyon, pinasusuri ng Pangulong Aquino kung paano mababawasan o malilimitahan ang coal plants na paborable sa renewable energy.
“Siguro natauhan siya na inaalipusta niya ang renewable energy kaya pinare-review niya sa kanyang nilagang resolusyon na nais i-reveiw ang energy policy sa bansa na tinitingnan kung paano mababawasan at malilimitahan ang coal-fired power plants at paborable para sa renewable energy. Ito ang isa sa iniwan ng administrasyon na malaki ang magagawa ara sa ating bayan,” dagdag pa ni Arances.
Tinatayang may 17 planta ang inaasahang operational ngayong 2016 hanggang 2020 matapos mabigyan ng permit to operate ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Magugunitang sa Laudato Si ni Pope Francis, binigyang diin nitong dapat pangunahan ng mga lider ng bansa at mga mambabatas ang pagpapatupad ng mga batas na magpapaunlad sa renewable energy upang matigil na ang paggamit ng mapaminsalang fossil fuels.