271 total views
Pinayuhan ni CBCP – Episcopal Commission on Youth ang mga magsisipagtapos ngayong taon na gawing simple at makahulugan ang kanilang graudation rites.
Ayon kay Abra Bishop Leopoldo Jaucian, chairman ng komisyon, mas mahalaga na ipagdiwang ang pagtatapos sa pagpapasalamat sa mga magulang na nagsumikap upang mairaos ang kanilang mga anak sa paaralan.
“Lalong – lalo na po siguro yung mga magtatapos sa elementarya at sabi nila senior high naman ay moving on. Sana mga kapatid isang simple at makahulugang selebrasyon. Una sa lahat pasasalamat natin sa Diyos at lalong – lalo na ang mga magsisipag – tapos. Mabuhay kayo at congratulations.” pahayag ni Bishop Jaucian sa panayam ng Radyo Veritas.
Nanawagan naman si Bishop Jaucian sa pamahalaan na solusyunan ang problema ng job mismatch sa mga bagong mag – aaral na magsipagtapos ngayong taon upang makahanap sila ng trabaho na akma sa kurso nilang natapos.
“Buong pusong pasasalamat, may pag – asa mga kapatid, at pangatlo lalong – lalo na sa mga ga – graduate sa kolehiyo na merong pagkakataon na isabuhay at makahanap ng trabaho sa lahat. Nanawagan na unang – una na ang ating pamahalaan ay gawin lahat ang kakayahan para mabigyan ng pagkakataon na may trabaho hindi lang sa national kundi sa local government.” Giit pa ni Bishop Jaucian sa Veritas Patrol.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, lumalabas na malaki ang itinaas ng bilang ng walang trabaho na umabot sa 11.2 milyon sa huling quarter ng 2016.
Habang aabot naman sa 2 milyong Pilipino ang first time job seeker.
Nauna na ring sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na mahalagang mabigyan ng “awareness” ang mga graduates sa mga “in demand” na trabaho na nababagay sa kanilang kakayahan.(Romeo Ojero)