245 total views
Ito ang binigyang-diin ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila sa pagdiriwang ng 64th Founding Anniversary ng organisasyon sa Cuneta Astrodome.
Sa kabila ng iba’t ibang krisis na umiiral sa lipunan, inihayag ni Fr. Pascual ang papel na ginagampanan ng Caritas Manila na pangunahing naghihikayat sa mga tao na maging bukas palad at umagapay sa kapwa na nangangailangan.
“Napakahalaga nang ginagampanan ng Caritas Manila sapagkat ang tugon nga sa matinding kahirapan, karahasan, pag-init ng mundo at kawalan sa ating lipunan, ay pag-ibig ‘yan. Pag-ibig na hindi salita lang kundi pag-ibig na nakikitang makapangyarihan sa gawa at walang iba kundi ang Caritas,” ani Fr. Pascual.
Naniniwala rin ang pari na ginawang instrumento ng Panginoon ang organisasyon upang madama ng mahihirap na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng simbahan at maging direktang tugon sa espiritwal at materyal na pangangailan ng tao.
Samanatala inihayag ni Fr. Pascual na patuloy ang ginagawang preparasyon ng Caritas Manila upang makapagbigay ng mas malawak na serbisyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular na sa isla ng Mindanao kung saan matatagpuan ang mayorya ng mga mahihirap.
“Tayo ay naghahanda sa 2021, 500 years of Christianity sa Pilipinas nais nating itaas pa ang lebel ng paglilingkod ng Caritas Manila upang mas marami pang mahihirap na matulungan tayo lalung lalo na sa Visayas at Mindanao,” pahayag ni Fr. Pascual.
Sa ilalim ng temang “One Heart and One Mind as Church of the Poor towards 2021”, dinaluhan ang selebrasyon ng libu-libong volunteers mula sa labintatlong bikarya sa Archdiocese of Manila, YSLEP scholars at kinatawan ng Caritas Manila.
Itinatag noong 1953 ni Rufino Cardinal Santos, ang Caritas Manila ay patuloy na nagbibigay ng programa sa mga mahihirap na pamilya, nasalanta ng kalamidad at nagbibigay ng scholarship program para sa mga kabataang walang kakayahang magkapag-aral.