27,094 total views
Inihayag na ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang tema ng nakatakdang National Laity Week na gugunitain sa huling linggo ng Setyembre, 2024.
Sa pamamagitan ng isang liham paanyaya ay nanawagan ang pamunuan ng implementing arm ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity sa bawat layko na makibahagi sa nakatakdang pagtitipon bilang paghahanda na rin sa Great Jubilee Year 2025.
Ayon kay LAIKO National President Francisco Xavier Padilla, tema ng nakatakdang National Laity Week ang “The Laity United in Prayer as Pilgrims of Hope” na layuning higit na paigtingin ang buhay pananalangin ng bawat layko bilang pangunahing armas sa anumang mga pagsubok sa buhay na isa ring paraan upang hindi mawalan ng pag-asa sa biyaya at kaloob ng Panginoon sa bawat isa.
“This year’s theme is: “The Laity United in Prayer as Pilgrims of Hope”. In preparation for the freat Jubilee Year 2025, the Holy Father declared the year 2024 as a Year of Prayer: First of all, to recover the desire to be in the presence of the Lord, to listen to him and adore him.” He added, it is dedicated “to rediscovering the great value and absolute need for prayer, prayer in personal life, in the life of the Church, prayer in the world.” pahayag ni Padilla.
Ibinahagi ni Padilla na ang nakatakdang National Laity Week ay isang pagkakataon din para sa mga Pilipinong layko upang ganap na mapaghandaan ang Great Jubilee Year 2025 gayundin ang ika-75 anibersaryo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa susunod na taong 2025.
Nakatakda ang opening celebration ng National Laity Week sa ika-21 ng Setyembre, 2024 sa pangunguna ng Diyosesis ng Imus habang nakatakda naman ang closing event sa ika-28 ng Setyembre, 2024 na pangungunahan naman ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga.
Layunin ng taunang paggunita ng National Laity Week ang mabigyan ng malalim na kamalayan ang mga layko sa kanilang misyon bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapatuloy ng ebanghelisasyon at pagsasakatuparan ng kaligtasan na sinimulan ni Hesus para sa sanlibutan.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na binubuo ng higit sa 50-organisasyon ng mga layko ng Simbahan Katolika sa buong bansa -ang nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity (ECL) na kasalukuyang pinangangasiwaan ni Dipolog Bishop Severo Caermare na siyang chairman ng kumisyon.