338 total views
Patuloy na isusulong ng simbahan at makakalikasang grupo ang “green agenda” para sa kalikasan.
Ito ang pagninilay ni Father Angel Cortez, OFM sa isinagawang banal na Misa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral sa paggunita sa ikapitong anibersaryo ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Fr. Cortez, miyembro ng International Steering Committee ng Laudato Si’ Action Platform ng Vatican Dicastery for Integral Human Development, nilalayon ng green agenda na paigtingin ang panawagan laban sa iba’t ibang mapaminsalang proyekto na patuloy na sumisira sa ating nag-iisang tahanan.
Tinukoy ng pari ang patuloy na operasyon ng mga mapaminsalang industriya tulad ng coal-fired power plants at pagmimina sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Ang Pilipinas po napakaraming coal-fired power plant na hanggang ngayon ‘di pa nasasara. Marami pong mga minahan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ng nakakarami kung paano kinakalbo ‘yung ating mga bundok,” ayon kay Fr. Cortez.
Tinugunan naman ni Fr. Cortez ang tanong ng karamihan kung bakit ang Simbahang Katolika ay laging nakikisangkot sa iba’t ibang usapin lalo na sa kalikasan.
Sinabi ng pari na ang Santo Papa na mismo, sa pamamagitan ng kanyang ensiklikal na Laudato Si’ ang nagbigay inspirasyon sa bawat mananampalataya na makisangkot sa panawagan upang pahalagahan at pangalagaan ang inang kalikasan.
Umaasa naman si Fr. Cortez na nawa ang pinagdaanan ng mga naging biktima ng sari-saring sakuna at hangarin ng pag-unlad ang mag-udyok upang simulang pagtuunan ang pagmamalasakit para sa ating nag-iisang tahanan.
“Hindi po dito nagtatapos ang ating pagmamahal sa kalikasan bagkus, nagsisimula pa lang tayong muling umalab ang ating mga puso upang bilang mga mananampalataya, katulad ng pangako ng Panginoon ay hindi niya tayo kailanman iiwan kung ang ating itinataguyod at ipinaglalaban ay para sa kabutihan ng nakakarami,” saad ni Fr. Cortez.
Tema ngayon ng Laudato Si Week ang “Listening and Journeying Together” na layong pagbuklurin ang 1.3 bilyong Katoliko sa buong mundo upang makinig at tumugon sa panawagan ng sangnilikha.