317 total views
Ano ba ang green cities o luntiang syudad, kapanalig? Sa ating bansa, nakikita na ba natin ang kahalagahan nito? Luntian ba ang mga syudad natin?
Ang syudad, upang matawag na luntian o green, ay kailangang maging sustainable at malusog. Ang isang green city ay isang syudad na gumagamit at nagsusulong ng energy efficiency at renewable energy, maayos at environment-friendly ang pag-gamit ng land area, resilient ang kapaligiran, merkado, at populasyon, at nangangalaga ng kapaligiran hindi lamang para sa kapakanan ng mga tao ngayon, kundi pati ng mga susunod na henerasyon.
Nakakalungkot lamang na sa ngayon, maaraming syudad sa Asya, sa halip na maging luntian, ay unti unti ng nasisira. Marami rito ay napapaligiran ng mga slum communities, ang mga ilog ay namamatay na, ang traffic ay mas lalong lumulubha, at nagsisiksikan na ang mga tao. Ayon nga sa Asian Development Bank, 120,000 tao ang lumilipat sa mga syudad sa Asya kada araw at 520 million ang nakatira sa mga urban slums nito.
Sa ating bansa, napakabilis ng urbanisasyon, at dahil dito, unti unting nasisira ang ating mga syudad. Ayon nga sa World Bank, ang ating bansa ang isa sa may pinaka-mataas na urbanization rate. Tinatayang ang urban population ng ating bansa ay aabot ng 50 million pagdating ng 2050, at ito ay mga 65% na ng kabuuang populasyon ng bansa. Ibig sabihin, maaring pagdating ng 2050, sobra pa sa kalahati ng ating populasyon ang titira na sa mga syudad. Ngayon, kapanalig, mga 12 million ang populasyon sa Metro Manila, at masikip na nga ito. Paano pa pag tumaas pa ang mga populasyon nito?
Ang mabilis at mapanirang urbanisasyon ay banta sa kalikasan at tao. Ngayong pandemya, damang dama natin ito. Mas masikip na lugar, mas mabilis kumalat ang sakit. Mas malaki ang populasyon, mag-aagawan din sa espasyo sa public transport. Ang kawalan ng maayos na urban planning, delikado para sa mga bikers at pedestrians. Ang kawalan ng maayos na drainage, baha ang inaabot. Ang lahat ng ito ay maari sanang mabago kung ang pokus ng urbanisasyon ay hindi lamang ang kita kundi ang tao at ang kapaligiran nito.
Kailangan nating matutunan ang kahalagahan ng luntiang syudad lalo sa ating panahon ngayon kung kailan kay hirap awatin ng climate change at lagi ng may banta ng pandemya at natural disasters. Hindi nararapat na lagi na lamang tayong nagtitiis sa pinsalang dala ng mga problema at sakunang atin namang maaring pigilan sa simula pa lamang.
Tungkulin nating pangalagaan ang ating kapaligiran, at ang pagtitiyak na luntian ang ating syudad ay kasama sa tungkulin na ito. Pinapa-alalahan tayo ng Laudato Si na tiyakin na mag-iiwan tayo ng luntiang mundo para sa mga susunod na henerasyon. Ayon dito, dapat nating makita na hindi lamang ang kaayusan ng kapaligiran ang nakataya nito, kundi ang ating dignidad. Ang ating buhay ay nakatali sa buhay ng ating kapaligiran. Sa ating pagpapabaya sa kalikasan, ang ating buhay, pati ang buhay ng mga susunod sa atin, ang ating pinabayaan.
Sumainyo ang Katotohanan.