275 total views
Ang kulay berde o green, kapanalig, ay kulay ng buhay. Sinisimbulo nito ang kulay ng mga halaman, ng mga puno, ng kasiglahan. Kapag ang kapaligiran natin ay green, presko at maaliwalas. Ito ang pangarap natin para sa ating mga syudad-na lahat sila ay maging green cities.
Ang green cities kapanalig, ay kailangang kailangan ngayon. Sa buong Asya, tinatayang mga 44 milyong katao ang nadagdag sa populasyon ng mga syudad kada taon. Sa pagdami ng tao, ang kapaligiran din ay nababago. Kadalasan, ang mga pagbabagong ito ay hindi mainam para sa kalikasan, gaya ng nakikita natin sa mga syudad ng ating bayan.
Ang mabilis na urbanisasyon sa ating mga syudad ay lubhang nakakasira na ng ating kapaligiran. Tingnan na lang natin ang ating mga katubigan. Ang mga dating daluyan ng tubig gaya ng mga ilog at tributaryo ay marumi na. Sa katotohanan, nawala na ang mga dating tributaryo at sapa ng ating mga syudad. Naging mga basurahan na sila. Kapanalig, pansinin mo – ang ibang natural na daluyan ng ating tubig sa marami nating mga syudad ay hindi lang naging basurahan, naging imburnal pa.
Ang ating mga kalye at mga daanan, nawalan na rin ng kulay, hindi ba? Dati rati, napakarami ng puno sa ating paligid, kaya’t panahon man ng tag-init, hindi mala-disyerto ang init. Ngayon, wala ng green spaces sa ating mga syudad. Hindi uso ang mga urban forests sa atin, o kahit mga pocket parks. Kaya’t hindi nakakapagtaka na mas matindi na ang polusyon sa ating kapaligiran.
Kapanalig, kailangan na nating ma-integrate ang natural conservation sa urban planning. Hindi natin dapat hinihiwalay ang dalawang konsepto at praktis na ito sa urban development. Kung ating sisirain ang kalikasan sa ngalan ng urbanisasyon, hindi sustainable, inclusive, o green ang ating mga syudad. Sa kalaunan, ang mga mamamayang nakatira rito ang mahihirapan, at ang syudad mismo ay unti-unting magde-deteriorate.
Pangarapin natin, kapanalig, na ang kinabukasan ng ating mga syudad ay green: buhay na buhay, malusog, at sustainable. Ayon nga sa Laudato Si: The human environment and the natural environment deteriorate together.
Huwag sana nating hayaang tuluyang mabulok ang ating mga syudad. Nakasalalay ang buhay ng maraming tao dito. Ang pagkasira ng ating kapaligiran ay simbolo ng pagkasira ng ating pagkatao, at hindi natin matatago ito sa likod ng ating mga nagtataasang gusali, o sa mga bagong tulay at kalsada. Hindi natin maalagaan ang ating pagkatao kung hindi natin inaalagaan ang ating kalikasan.
Sumainyo ang Katotohanan.