201 total views
Isusulong ng Department of Environment and Natural Resources ang green economy para mas mapaunlad ang Pilipinas.
Ayon kay Environment Secretary Gina Lopez, patutunayan nito na ang makakalikasang bansa ay mas magpapaunlad sa buhay ng mga mahihirap dahil marami ang nalilikha nitong trabaho.
“We will create ecological economic zones where there is respect for nature and value adding in resources, and where people benefit from the resources of the place,” bahagi ng pahayag ng kalihim.
Ito ay sa kabila ng akusasyon ng Chamber of Mines of the Philippines, na tinanggalan ng DENR ng hanapbuhay ang may 1.2-milyong trabahador ng mga mining companies na ipasasara ng ahensya.
Gayunman, iginiit ng kalihim na batay sa pagsusuri ng pamahalaan 234,000 trabaho lamang ang nalikha ng mining industry kumpara sa 4.7 milyong trabaho na naipagkaloob ng turismo simula noong 2004.
Dahil dito, humingi ng palugit ang kalihim na bigyan siya ng isa’t kalahati hanggang dalawang taon at patutunayan nitong mapabubuti ng livelihood programs ng DENR ang kabuhayan ng mga mahihirap nang hindi na sasakripisyo ang kapaligiran.
Read: http://www.veritas846.ph/pagpapasara-sa-mga-mapinsalang-minahan-pinuri/
Ayon sa Social Doctrine of the Church, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangan na ang negosyo nito ay hindi nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan o kapahamakan sa kalusugan at buhay ng tao.