91,301 total views
Kapanalig, malapit na ang easter, ang pasko ng pagkabuhay. Sa Western World, kasabay ito ng spring, kung saan namumulaklak at nabubuhay muli ang mga halaman, at lumalabas ulit ang mga hayop na nag-hibernate sa haba ng winter o taglamig. Hudyat ng bagong buhay.
Ang easter kapanalig, ay simbolo ng bagong pag-asa, ng renewal. Ito ay nababalot ng ligaya at liwanag. Ang selebrasyon ng pasko ng pagkabuhay o easter ay dama, hindi lamang sa ating mga ritwal sa simbahan, kundi sa muling pagyabong ng kalikasan.
Kaya lamang, kapanalig, ang pagyabong na ito ng nature o kalikasan ay compromised o namemeligro sa ating panahon ngayon. Ang Green Future o sustainable future ay kay hirap abutin – parang konsepto at pangarap na lamang na hindi natin maabot o maintindihan. Pero kapanalig, napakalahaga nito, dahil sa sustainable future nakataya ang buhay nating lahat.
Kapanalig, ang sustainable o green future ay ang isyu ng ating henerasyon ngayon na dapat nating harapin para may kinabukasan pa tayong haharapin. Para sa maliit na bansa gaya ng ating bayan, ang pagtitiyak ng green future ay mahirap – kailangang ibalanse ang pangagailangan ng pag-usad ng ekonomiya at ng kalikasan.
Ngayon, nakikita natin ang imbalance sa ating mga syudad. Ang urban planning sa ating mga bayan ay hindi nakasentro o nakafocus sa sustainability. Kitang kita sa ating mga kalye o lansangan, sa ating mga pampublikong espasyo – urban jungle na ang ating kapaligiran. Kaunti lamang ang green spaces, pati mga ilog at estero natin natabunan na ng basura at kongkreto.
Ang mga pabahay sa ating mga lungsod ay nakaharang sa mga natural na daluyang tubig kaya mabilis na magbaha. Dagdag pa rito ang kawalan ng mga maayos na basurahan. Makikita mo sa sa mga lungsod natin, kaunti lamang ang basurahan kaya’t ang tao, sa kalye ang tapunan.
Maski sa kuryente o power source ng bayan, mabagal ang uptake o pag-gamit natin ng mga renewables. Kaunti pa lamang ang mga investors o namumuhunan ang nagtataya para sa mas malakawang pag-gamit ng renewable energy sa ating bayan.
Sa ating mga sariling bahay, kapanalig, ang pag-gamit natin ng enerhiya at tubig, minsan, parang di nauubos. Tuloy tuloy lamang at walang pagtitipid. Kaunti na rin ang mga green spaces sa maraming mga kabahayan. Ang ating mga dating gardens, garahe na.
Sayang kapanalig, at sa pagdaloy ng panahon, tila nawawalan ng puwang ang kalikasan sa kaunlaran ng mamamayan. Hindi kailangan maging collateral damage ang kalikasan sa economic development. Ang progress, kapanalig, ay hindi kailangang katumbas ng kamatayan ng kalikasan. Ang economic development, kapanalig, ay hindi sustainable, kung hindi sustainable ang ating kalikasan. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si: A technological and economic development which does not leave in its wake a better world and an integrally higher quality of life cannot be considered progress. Frequently, in fact, people’s quality of life actually diminishes – by the deterioration of the environment, the low quality of food or the depletion of resources – in the midst of economic growth.
Sumainyo ang Katotohanan.