474 total views
Nagsampa ng reklamo ang mga makakalikasang grupo sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau upang ipahinto at ipawalang-bisa ang iginawad na Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa itinatayong liquified natural gas (LNG) power plant sa Batangas.
Pinangunahan ito ng Protect the Verde Island Passage (Protect VIP) at ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED) para manawagang isantabi ang ECC para sa LNG import terminal facility ng AG&P-Linseed at ang itinatayong 1.75 gigawatts LNG power plant ng San Miguel Corporation-Excellent Energy Resources Inc. (SMC-EERI) sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Protect VIP Convenor Fr. Edwin Gariguez, lubhang nakababahala ang paglabag ng SMC-EERI at AG&P Linseed sa mga batas at panuntunang nangangalaga sa kalikasan lalo na sa Verde Island Passage.
Inihayag ni Fr. Gariguez na kapag nagpatuloy at nagsimula na ang operasyon ng proyekto ay asahan na ang idudulot nitong kahirapan sa mamamayan at pinsala sa mga pinakaiingatang-yaman ng bansa.
“SMC-EERI and AG&P-Linseed are the primary example of His Holiness Pope Francis’ warning about profits at the expense of the environment. This project will enrich their investors, who are based far away but drive our fisher folk and those who work in the tourism industry to poverty,” pahayag ni Fr. Gariguez.
Nakasaad sa isinampang reklamo ang kakulangan ng dalawang kumpanya sa pagkuha ng tree-cutting permit mula sa Philippine Coconut Authority at DENR, gayundin ang kakulangan sa pagkuha ng land conversion order mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Noong August 8, 2022, naglabas ng cease-and-desist order ang DAR laban sa SMC-EERI at AG&P-Linseed dahil sa mga paglabag.
Samantala, nanindigan naman si CEED executive director at Protect VIP co-convenor Gerry Arances na hindi kailangan ng bansa ang maruming enerhiya na nagdudulot ng paghihirap at panganib sa mamamayan lalo na sa kalikasan.
Hiling ni Arances na nawa’y agad na kumilos ang DENR at pagtuunan ang mga panawagan upang mapangalagaan ang VIP mula sa tuluyang pagkapinsala.
“We don’t need gas for electricity. It will only drive-up the cost of bills for Filipinos, poison the environment, and threaten the beauty of the VIP and the food and livelihood of many who depend on it. There is no reason that will justify the means or ends of these two companies,” giit ni Arances.
Matagal nang tinututulan ng mga makakalikasan at consumer groups ang paglipat ng pamahalaan sa LNG, sapagkat ang paggamit sa fossil fuel ay patuloy na nagpapalala sa epekto ng climate emergency, gayundin sa mataas na singil sa presyo ng kuryente.
Ang VIP ang tinaguriang “most bio-diverse marine habitat” sa buong mundo dahil dito nagmumula ang nasa halos 60-porsyento ng shore fish species sa mundo.