144 total views
Nakahandang makipagtulungan ang mga makakalikasang grupo kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu matapos itong makumpirma bilang kalihim ng ahensya.
Ayon kay Ecowaste Coalition National Coordinatoe Aileen Lucero, tulad ng pangunahing adhikain ni Cimatu na pagtataguyod ng kalinisan sa kapaligiran lalo na sa Metro Manila ay nais din ng kanilang grupo na maisulong ang zero waste campaign sa lipunan.
Gayunman iginiit ni Lucero ang hindi paggamit ng incinerators o pagsunog sa mga basura dahil sa ibubuga nitong nakalalasong usok sa hangin, na magdadala ng sakit sa mga tao.
“We are ready to collaborate with the new DENR chief in the pursuit of policies and programs that will mainstream zero waste solutions without incineration, ensure sound management of chemicals and uphold climate and environmental justice for the benefit of our people.,” bahagi ng pahayag ni Lucero.
Sinabi ni Lucero na umaasa silang magiging tunay at makatao ang pamumuno ni Cimatu at tunay na mabibigyang diin ang ipinangako nitong pagpapaigting sa environmental laws na Clean Air Act, at
Ecological Solid Waste Management Act.
“We expect Sec. Cimatu to actively lead the nation in the genuine enforcement of our environmental laws such as the Clean Air Act and the Ecological Solid Waste Management Act, two landmark laws which, if effectively implemented, will help the country in conserving and protecting our fragile ecosystems and in improving people’s lives,” dagdag pa ni Lucero.
Magugunitang si Cimatu ay itinalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos tuluyang ibasura ng Commission on Appointment ang ad-interim appointment ni former DENR Secretary Gina Lopez.
Naninindigan naman ang Simbahang Katolika na sinumang mamumuno sa ahensyang nangangalaga sa kalikasan ay kinakailangang unahin ang kapakanan ng mga mahihirap na unang naaapektuhan ng pagkasira ng kapaligiran.