450 total views
Ikinatuwa ng Oceana Philippines ang layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pagtutuunan ang paglikha ng mga programang mangangalaga sa kalikasan at kapaligiran ng bansa.
Ayon kay Oceana Philippines Vice President Attorney Gloria Estenzo-Ramos, magandang simulain ng administrasyong Marcos na matugunan ang lumalalang krisis sa kalikasan tulad ng climate change.
“He’s one of the few presidents who even mention climate change. It’s an acknowledgement na he knows na we, Filipinos are really facing this great crisis,” pahayag ni Ramos sa panayam ng Radio Veritas.
Ilan sa mga dahilan ng pagbabago ng klima ng bansa ay ang patuloy na operasyon ng mga coal-fired power plant na naglalabas ng mainit at maitim na usok na nagpapainit sa temperatura ng kapaligiran at polusyon sa hangin.
Inaasahan sa bagong administrasyon na mababawasan na ang operasyon ng mga coal-fired power plant at mas mapagtutuunan ang pagsusulong para sa renewable energy na tiyak na ligtas, malinis at abot-kaya para sa mamamayan.
Samantala, pinuri din ng Oceana ang magiging hakbang ng bagong administrasyon hinggil sa lumalalang plastic pollution sa bansa.
Ito’y matapos ring mabanggit ni Pangulong Marcos, Jr. sa kanyang inaugural speech na layunin ng kanyang administrasyon na gawing malinis ang Pilipinas at maiwasan na muling mabansagan bilang ikatlong pinakamalaking plastic waste producer sa buong mundo.
Sinabi ni Ramos na ang hakbang na ito ay halimbawa na nakahanda ang kasalukuyang administrasyon na tugunan ang mga mahahalagang suliraning dapat unahin.
“Parang siya rin ang isang presidente na nagsalita tungkol sa plastic pollution kasi normally mga legislators, mga mayors but never at the level of the president. Natutuwa naman ako na mukhang alam niya kung ano ‘yung issues that needs to be prioritized kasi minention talaga niya sa inaugural speech niya,” ayon kay Ramos.
Batay sa tala, aabot sa tatlong milyong tonelada ng plastic waste ang nalilikha ng bansa bawat taon at nasa 20 porsyento nito ang napupunta sa mga karagatan.
Napag-alaman din sa pag-aaral noong 2018 tungkol sa waste management practices na sa kabila ng mataas na antas ng pagkolekta sa mga basura ay nananatili pa ring suliranin sa bansa ang wastong pagtatapon sa mga basura.
Umaasa naman ang Oceana Philippines na tunay na maisasakatuparan ng bagong administrasyon ang magandang layunin nito tungo sa ikabubuti ng kalikasan at ng mamamayan.
Sa kasalukuyan, wala pa ring naitatalagang kalihim si Pangulong Marcos Jr para sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nauna nang nanawagan ang mga makakalikasang grupo at simbahan sa Marcos Jr. Administration na magtalaga ng DENR Secretary na tunay na makakalikasan at walang anumang kaugnayan sa malalaking kumpanya na lumalabag sa mga panuntunan at adhikain ng ahensya.