187 total views
Pormal na inilunsad ang Green Thumb Campaign sa Lyceum of the Philippines University, Batangas City, sa pangunguna ng Archdiocesan Ministry on Environment (AMEN) ng Archdiocese of Lipa.
Sinimulan ang launching ng Lakadasal o Prayer Rally at sinundan ng pagdiriwang ng Banal na Misa na pinamunuan ni Lipa Abp. Ramon Arguelles Chairman ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Abp. Arguelles, binigyang diin nito ang layunin ng Green Thumb Coalition kung saan kaisa ang Simbahang Katolika, na mapreserba ang kalikasan at mailayo mula sa tuluyang pagkawasak.
Dagdag pa ng Arsobispo, pinagpala ang lalawigan ng Batangas sa pagkakaroon ng matatapang na mamamayang magtataguyod ng kalikasan, at magpapatingkad ng usapin sa suliraning pang kalikasan lalo ngayong nalalapit ang halalan.
“Alam naman natin na priority sa buong mundo ang kapaligiran natin preservation from destruction sapagkat nakikita natin kung panong ang industry, hindi naman masama yan, pero nakasisira sa ating atmosphere at sa ating mundo na ginawa ng Diyos, so we would like specially dun sa election at even beyond that na maging issue yan na dapat harapin ng lahat at ang Batangas ay parang napili siguro ng Panginoong Diyos na manguna d’yan na it will be beyond our provincial boarders sa buong Pilipinas yan and also sa buong mundo.” Pahayag ni Abp. Arguelles.
Hinimok din ng Arsobispo ang mga kabataan, maging botante man o hindi na makialam, at makisangkot upang madala ang usaping pang kalikasan sa mga pulitikong umiiwas sa pagtalakay nito.
Ayon kay Abp. Arguelles sa pagpili ng makakalikasang pinuno, maiiwasan ang nakaambang pagiging 80% hanggang 90% dependent ng Pilipinas sa Coal Fired Power Plants.
Batay sa datos ng pamahalaan, may kakayahan ang Pilipinas na magtustos ng mahigit 200,000 MW na kuryente mula sa iba’t ibang renewable sources ng bansa.
Sa tala ang Pilipinas ay nagtataglay ng 76,000 megawatts hydropower, 10,500 geothermal at 236 megawatts solar energy.
Sa Encyclical na Laudato Si ng Santo Papa, hinimok ni Pope Francis ang mga mambabatas na lumikha ng polisiyang magtatakdang palitan ng renewable energy ang mga Fossil Fuels upang sa mga susunod na taon ay tuluyan nang mawala ang lubhang mapaminsalang emissions na nagmumula sa pagsusunog sa mga Fossil Fuels.