336 total views
Mahalagang mamulat ang mamamayan sa kasalukuyang sitwasyon ng ating kapaligiran upang magtulungan sa pagpigil ng tuluyang pagkasira ng kalikasan.
Ito ang binigyang diin ni Yeb Saño, Executive Director ng Greenpeace Southeast Asia sa mga dumalo sa Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly o MAGPAS sa Paco Catholic School Manila noong unang araw ng Setyembre.
“Napakaimportante ng pagtitipon ngayon, magiging malaki ang epekto nito at lalong palawakin ang kamulatan ng ating mga kababayan doon sa issue ng problema ng kalikasan at yung mga hakbang na puwede nating gawin na konkreto.” pahayag ni Saño sa Radio Veritas.
Ayon kay Saño, kailangan ng kagyat na pagtugon ang suliranin sa kalikasan dahil unti-unting nasisira ang karaniwang tirahan ng mga mamamayan dulot ng kapabayaan.
Dahil dito, hinimok nito ang mga Parokya at ang buong komunidad na magkaisang kumilos upang maibabalik ang maayos at ligtas na kapaligiran para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“Hindi kayang lutasin ng isang parish, kahit ng buong Pilipinas, so yung pakikipag-ugnayan natin sa ibang gobyerno sa ibang bansa at pati na rin yung ugnayan sa loob ng simbahan sa buong mundo ay napakaimportante.” Dagdag ni Saño.
Batay pa sa pagbabahagi nito umaabot sa 63, 000 tonelada ng basura ang nalilikha sa bansa araw-araw dahilan ng mga pagbaha sanhi ng mga baradong lagusan ng tubig.
Kinilala ni Saño ang pagpapahalaga ni Pope Francis sa kalikasan kaugnay sa inilathalang ensiklikal na Laudato Si tatlong taon ang nakalilipas kung saan ipinapanawagan nito ang kahalagahan sa pangangalaga sa kalikasan.
Naunang nanawagan si CBCP Episcopal Commission on the Laity Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ng ecological conversion.
Read: Ecological conversion, paiigtingin sa Season of Creation
Sa Pilipinas, aktibo ang Simbahang Katolika sa pagsusulong ng mga programang tumutugon sa suliraning pangkalikasan at patuloy na ipinaglalaban adbokasiyang maayos at ligtas na paligid sa bawat mamamayan.