426 total views
Tiniyak ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula ang pakikiisa sa muling pagbangon at pagsisimulang-muli ng Parokya ng Sto. Niño de Pandacan na natupok ng apoy noong ika – 10 ng Hulyo ng nakalipas na taong 2020.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula bilang bagong Arsobispo ng Maynila sa naganap na groundbreaking at site blessing ceremony ng Sto. Niño de Pandacan Parish isang taon makalipas ang naganap na sunog na tumupok sa 300-taong kumbento at simbahan ng Sto. Niño de Pandacan.
Ayon kay Cardinal Advincula, bilang bagong ama at punong pastol ng Arkidiyosesis ay makakaasa ang buong pamayanan ng Sto. Niño de Pandacan Parish sa kanyang buong suporta upang muling maitayo ang bagong simbahan.
Ang Sto. Niño de Pandacan ay pinangangasiwaan nina Fr. Sonny de Claro – Parish Priest at Fr. Gilbert Kabigting – Parochial Vicar ng Sto. Niño de Pandacan Parish.
“Bilang inyong bagong ama dito sa Archdiocese of Manila kaisa ninyo ako sa pagbangon at pagsisimulang muli dito sa Parokya ng Sto. Niño de Pandacan, narito ako bilang isang pastol na nakikinig sa inyong mga pagsamo at pangangailangan, buo ang aking suporta kay Fr. Sanny [de Claro – Parish Priest], kay Fr. Gilbert [Kabigting – Parochial Vicar] at sa inyong buong pamayanan at sa pagtatayong muli ng bagong Simbahan na siyang tahanan ng Diyos sa inyong piling,” mensahe ni Cardinal Advincula
Pagbabahagi ng Cardinal, tiyak na puno ng kagalakan ang Panginoon na makita ang pagkakaisa ng sambayanan upang muling maitayo ang simbahan ng Sto. Niño de Pandacan kung saan natagpuan ang imahen ng Sto. Niño.
“Hindi ba’t nakakatuwang makita na nagkakaisa ang sambayanan sa gitna ng pagsubok, sigurado akong masayang masaya ang Diyos na makita ang ating bayan na nagsasama-sama upang itayong muli ang gusaling Simbahan.” Dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Paliwanag ni Cardinal Advincula, bagamat nananatili ang sakit, kalungkutan at panghihinayang mula sa naganap na sunog na tumupok maging sa orihinal na imahen ng Sto. Niño de Pandacan ay mayroon naman itong hatid na alaala ng pagtutulungan at pagkakaisa na patuloy na nagpapanatili ng katatagan at diwa ng Simbahan.
Ang imahen ng Sto. Niño de Pandacan ay pinaniniwalaang higit 400-taon na at mapaghimala sa mga deboto.
Nakatuwang ni Cardinal Advincula sa naganap na groundbreaking at site blessing ceremony ng Sto. Niño de Pandacan Parish sina Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo at Rev. Fr. Sonny de Claro na siyang kura paroko ng Sto. Niño de Pandacan Parish.
Una ng nagpaabot ng pasasalamat si Fr. de Claro sa Caritas Manila at kay Manila City Mayor Francisco Domagoso na nagbigay ng donasyon para sa muling pagtatayo ng simbahan gayundin sa lahat ng mga nagpaabot ng kanilang tulong-pinansyal para sa muling pagsasaayos ng Sto. Niño de Pandacan Parish.