22,275 total views
Duda ang consumer group na maibababa ang presyo ng bigas sa susunod na buwan, bagama’t patuloy na umaasa na matutugunan ng pamahalaan ang pangunahing suliranin ng mamamayan sa mga presyo ng bilihin.
Ayon kay Prof. Reggie Vallejos, tagapagsalita ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI) kasabay na rin ng pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, lalo’t nalalapit na ang anihan.
Paliwanag ni Vallejos, bagama’t may bahagyang pagbaba sa presyo ay maaring hindi pa rin ito maramdaman ng mga mamimili dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at agricultural products sa pandaigdigang kalakalan.
Bukas din ang consumer group sa panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law upang maibalik ang mandato ng pagbili ng bigas sa National Food Authority.
“Suportado po namin, nung binibili pa ng NFA yung mga produkto ng ating magsasaka, kahit po 10 percent ‘yan malaking epekto po yan sa mga magsasaka. Kasi nga mismong ang pamahalaan yung bumibili. Ngayon po ang panawagan namin sana po dagdagan yung kakayahan ng NFA na bumili ng mga produktong agricultural, partikular yung mga bigas sa mga magsasaka natin dahil ito po yung talagang nagdudulot ng malaking kaginhawahan lalo na kung bumaha ang NFA rice sa mga palengke,” ayon kay Vallejos sa panayam ng Veritas Pilipinas.
Una na ring inihayag ng mga mambabatas na maaring mabawasan ng 10 hanggang 15 piso sa presyo ng kada kilo ng bigas, kung saan ang kasalukuyang pinakamababang presyo ng bigas ay nagkakahalaga ng 50 piso.
Sang-ayon din ang SUKI na maibalik ang Kadiwa system at pag-aalis sa middelemen, subalit wala namang kakayahan ang mga magsasaka na direktang dalhin sa mga pamilihan ang kanilang produkto.
“Kaya lang po ang problema, limited lang po ang slots ng mga Kadiwa natin, kung nasaan po ang opisina nila dun po pumupunta ang ating kababayan. Ang nakakalungkot po dyan minsan nauubusan sila. Kaya nga po sana po, totoo yung pangako din na gusto nilang ilapit, tanggalin yung middlemen, nakikita po namin nyan, malaki ang epekto nyan, kaya lang po walang kakayahan ang mga magsasaka na dalhin ang mga produkto direkta sa dun sa ating mga palengke,” ayon pa kay Vallejos.
Dagdag pa niya, “Kailangan po talaga niya yan, yung transportation cost yun po ang nagpapabigat. Kung gagawin po ng ating pamahalaan yan, sana po nung panahon pa ng eleksyon, sana pinarami na. ngayon po e talagang mabigat na mabigat po ang presyuhan natin.”