386 total views
Tiniyak ng Girl Scout of the Philippines ang pakikibahagi ng organisasyon sa pagdideklara ng Simbahang Katolika sa Year of the Youth bilang patuloy na paghahanda ng bansa sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Amelita Dayrit Go, kasalukuyang International Commissioner ng Girl Scout of the Philippines bilang kasalukuyang kasapi ng mga samahan ng mga kabataang ginagabayan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth ay nakahanda ang GSP na makibahagi sa paghahanda ng Simbahan sa nasabing pagdiriwang.
Pagbabahagi ni Dr. Go, hindi lamang pagsusulong sa pananampalataya ng mga Girl Scouts ang layunin ng organisasyon kundi ang pangkalahatang pananampalataya at espirituwalidad ng mga kabataang Filipino.
“Kami ngayon ay kasali na sa mga samahan ng mga samahan ng mga kabataan na ang adviser ay ang CBCP Secretary na siya rin naming National Chaplain so kami ay makikipag-ugnayan at kung ano ang maibo-volunteer namin, kami ay magbo-volunteer at kami ay sasabay sa pagsulong ng pananampalataya hindi lamang sa Girl Scouts kundi lalo na sa iba pang kabataan…” pahayag ni Go sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan si Rev. Fr. Kunegundo “Kune” Garganta na Executive Secretary of CBCP Episcopal Commission on Youth ang siya ring nagsisilbing National Chaplain ng Catholic Girl Scouting in the Philippines.
Ang Girl Scouting ay isang worldwide movement na gumagabay sa mga kabataang babae edad 4 hanggang 21 taong gulang sa pamamagitan ng mga non-formal progressive educational program na nakabatay sa spiritual values at ideal of service o paglilingkod sa kapwa partikular na sa mga nangangailangan.
Samantala, pinangungunahan rin ng GSP ang Catholic Girl Guiding sa ilalim ng International Catholic Conference of Guiding (ICCG) na nagbibigay-daan sa mga Filipinong kababaihan at mga batang babae na mapalalim ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagiging isang ganap at tunay na saksi at lingkod ng Simbahan at ng pananampalatayang Katoliko.