1,756 total views
Naglabas ng mga alituntunin at panuntunan ang Diyosesis ng Malolos bilang gabay sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Nasasaad sa liham sirkular ni Malolos Bishop Dennis Villarojo na inilabas noong ika-10 ng Agosto, 2023 ang atas para sa lahat ng mga opisyal at kasapi ng iba’t ibang church organization sa diyosesis na nagnanais na tumakbo para sa anumang posisyon sa halalang pambarangay.
Ayon sa sirkular nanarapat na pansamantalang magbitiw sa katungkulan at magpaalam sa kanilang kinabibilangang mga organisasyon ng Simbahan ang mga nagnanais na tumakbo sa anumang posisyon sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
“All incumbent officers and members of different church organizations who wish to be elected as public officials should file a leave of absence addressed to their respective parish priests.” Ang bahagi ng sirkular ni Bishop Villarojo.
Paliwanag ng Obispo, bagamat suportado ng Simbahan ang aktibong partisipasyon ng mga layko sa usapin ng politika at pamahahala sa bansa ay mahalaga namang maiwasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng kalituhan pagdating sa paggamit ng kapangyarihan sa simbahan at sa anumang posisyon o katungkulan sa pamahalaan.
Pagbabahagi ni Bishop Villarojo, isa rin itong paraan upang maiwasan ang kontrobersiya ng pagiging patas ng Simbahan sa usapin at larangan ng pulitika sa bansa.
“In this regard, we wish to guard our faithful against possible accusations of using the church for partisan exercise.” Dagdag pa ni Bishop Villarojo.
Umaasa naman ang Obispo na ganap na isabuhay ng mga tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa barangay ang mga aral at turo ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsusulong ng kapayapaan, katarungan at ang makabubuti sa mas nakararami o ang common good.
“We hope that our brothers and sisters who seek to be elected as public officials will bring with them the values of Christ in this wonderful venture, prioritizing the common good, justice, peace, with a love of preference for the poor and in the spirit of Christian service.” Ayon pa kay Bishop Villarojo.
Batay sa Calendar of Activities ng Commission on Elections (COMELEC) magsisimula ang election period para sa halalang pambarangay sa August 28, 2023 kung saan maari ng maghain ng Certificate of Candidacy ang sinumang nagnanais tumakbo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30, 2023.