24,534 total views
June 16, 2020, 12:47PM
Naniniwala ang mataas na opisyal ng simbahan na sinadyang patahimikin at idiin sa kasong cyberlibel si Rappler CEO Maria Ressa.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, makikita ang pagsisikap na idiin sa kaso si Ressa at ang kanyang researcher na si Reynaldo Santos Jr. sa kasong nag-ugat noong 2012 at isinampa makaraan ang limang taon sa kabila ng pagpaso ng prescriptive period.
“Talagang it’s a persecution,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa programang Pastoral Visit on-the-air sa Radio Veritas.
Sa ulat ang artikulo ay nailathala apat na buwan bago pa man naisapasa ang Cybercrime Prevention Act na inamyendahan noong 2014.
“Kaya ang sinasabi yung batas ginagamit para magpersecute yung weaponizing the law sa mga kalaban,” ayon kay Bishop Pabillo.
Taong 2012 nang ilathala ng Rappler ang investigative report ni isinulat ni Santos na may titulong “CJ using SUV’s of controversial businessmen.”
Sa artikulo, sinasabing ginagamit ng noo’y si Chief Justice Renato Corona na kasalukuyang sumasailalim sa impeachment trial ang mga sasakyan ng negosyanteng si Wilfredo Keng na inaakusahan din sa artikulo ng human trafficking at ilang pang illegal na gawain.
Si Ressa at Santos ay hinatulang guilty ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng branch-46 ng Manila Regional Trial Court.
Bukod sa anim na buwan hanggang sa anim na taong pagkakulong, pinagbabayad din ng hukuman sina Ressa at Santos ng P400,000 para sa moral at exemplemary damages.
Una na ring inakusahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang website na pinamamahalaan ni Ressa at pangunahing kritiko ng administrasyon na nagkakalat ng mga fake news at pag-aari ng dayuhan.
Ang Rappler ay pinagbawalan din noon na makapasok at mag-cover sa gawain ng pangulo sa Malacañang.
Inihayag ng Obispo na ang nangyari kay Ressa at Santos ay naging banta sa malayang pamamahayag o ang pagsasalita ng katotohanan.
“Nakakatakot na hindi mo alam yung mga karapatan mo na magsalita ka. Yan ba ay igagalang? O baka naman pagnagsalita ka ng laban sa pamahalaan baka ikaw naman ay pag-iinitan.”pahayag ni Bishop Pabillo