311 total views
Hindi lang sa illegal na droga dapat maghigpit ang pamahalaan kundi maging sa regulasyon ng paggamit ng baril.
Hinamon ni Nandy Pacheco, founder ng Gunless Society of the Philippines ang pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang regulasyon sa paggamit ng baril o gun control upang maiwasan ang paglaki ng bilang ng Extra-Judicial Killings sa bansa.
Iginiit ni Pacheco na dapat mas higpitan ang regulasyon sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril lalo sa mga sibilyan at mga hindi nakaduty na miyembro ng law enforcement para maiwasan hindi lamang ang krimen kundi maging ang sinasabing vigilante killings sa mga drug pushers at users.
“Para maiwasan yung sa Extra Judicial Killings, kinakailangan talaga unang-una bawal yung mga sibilyan na magdala ng mga baril, yung gun control. Dapat ang huhuli lamang ay yung alagad ng batas at yung mga pulis na mga naka-uniporme saka on-duty. It’s not enough to be hard on drug but should also be hard on guns kasi they feed on each other,” pahayag ni Pacheco sa Radio Veritas.
Hinimok rin ni Pacheco ang pamahalaan na patawan ng criminal offense ang mga mahuhulihan ng baril sa lansangan maliban lamang sa mga sundalo at pulis na naka-uniporme at on-duty para mabawasan ang banta sa seguridad ng mga mamamayan.
Sa pinakahuling datos ng Philippine National Police, umaabot na sa 3,500 katao ang napatay sa war on drugs ng gobyerno kung saan 1,490 ng kabuuang bilang ay itinuturing na “death under investigation”.
Samantala, batay sa tala ng Philippine National Police, nasa 1.6-milyon ang licensed firearms sa bansa habang tinatayang nasa higit 600-libo naman ang kabilang sa loose at unregistered firearms.
Una nang kinundina ng Santo Papa ang maluwag na mga polisiya ng iba’t ibang bansa kaugnay sa pagmamay-ari at paggamit ng baril at binigyang diin na nararapat na suriin ang mga batas at regulasyon kaugnay nito.