170 total views
Sa panahon ng digital age, kapanalig, baka ating makalimutan ang malaking bahagi o papel ng mga guro sa ating buhay.
Marami sa atin ang marahil nag-iisip na napakadami na ng mga impormasyong available sa atin dahil sa Internet. Maari na tayong mag self-study, kaya’t bawas na ang bahagi ng mga guro sa ating buhay. Ang pag-iisip na ito, kapanalig, ay mali. Sa dinami-dami ng fake news at fake information sa world wide web ngayon, ang mga guro ay mas mahalaga ngayon sa ating panahon. Kaya lamang, atin bang sinusuklian ng kahit konting pakunswelo ang ambag ng mga guro sa ating buhay?
Kapanalig, umabot ng mahigit pa sa 26.6 million ang enrollees sa basic education ng ating bayan ngayon, mapa-public o private school man. Napakaraming estudyante, at lahat sila, umaasa sa kanilang guro upang tulungan silang matuto. Ang mga guro naman, sino naman ang maasahan nilang tutulong sa kanila?
Maraming hinaing ang mga guro ngayon. Mapa-public o private school, ang mga guro natin ay may mga pangangailangan na dapat tugunan ng ating lipunan. Una dito, kapanalig, ay ang sweldo. Ang isyu na ito ay mas masidhi para sa mga private school teachers ngayon. Mas maliit na nga ang sweldo ng karamihan sa kanila, marami pang mga paaralan ang nagsasara dahil na rin epekto ng pandemya. Dahil dito, maraming private school teachers ang laging bitin ang kita ngayon, kung meron man. Marami sa kanila, no work, no pay.
Isyu din kapanalig, ang digital divide. Napakahirap kumuha ng internet connection sa ibang lugar sa bayan kaya ang mga guro natin extra talaga ang effort para lamang masigurado na makaka-attend sila ng ng klase nila online. Hindi makahabol ang ating digital infrastructure, lalo na sa mga malalayong lugar, sa mas malawig na pangangailangan para sa Internet ngayon.
Frontliners din ang ating mga guro, kapanalig. Marami sa kanila, kinakailangan lumabas upang maisa-ayos ang mga modules na gagamit ng mga bata para sa darating na pasukan. Risky na nga ito, kapanalig, pero minsan, sila pa ang gumagastos para lamang matapos ang pag-imprinta ng mga modules at maturuan ang mga bata. Abono muna, kumbaga. Ayon pa sa pag-aaral na ginawa ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP), ginagamit na ng mga public school teachers ang sarili nilang pera para makabili ng laptop, mobile phone, pati ng internet connection.
Naniniwala tayong mga Filipino na ang edukasyon ang panangga natin sa kahirapan. Napaka-ironic lamang, kapanalig, na sa hangarin natin na ito, ang mga guro naman ang siyang naghihirap. Ayon sa Rerum Novarum, ang pagtatrabaho ng working class, kasama rito ang mga guro, ay napaka-responsable at kailangang-kailangan. Sa kanilang mga kamay nakaka-ahon sa kahirapan ang lipunan. Justice demands that their interests be carefully watched over by the administration, so that they who contribute so largely to the advantage of the community may themselves share in the benefits which they create.
Sumainyo ang Katotohanan.