2,730 total views
Isa sa mga pinaka-masaklap na epekto ng pandemya sa maraming lugar sa buong mundo ay ang gutom at malnutrisyon.
Ayon sa State of Food Security and Nutrition in the World ng Food and Agricultural Organization (FAO) ng United Nations, tila palayo pa tayo ng palayo sa Sustainable Development Goal 2 o Zero Hunger by 2030. Walong taon na lamang at 2030 na, pero dahil sa pandemya, sa mga nararamdamang epekto ng climate change, pati na mga climate extremes, mas maraming mga tao sa buong mundo ang nakakaranas ng gutom. Mas pinalala pa ito ng kahirapang nararamdaman ng maraming bansa ngayon.
Ang prevalence ng undernourishment sa buong mundo ay tumaas, kapanalig, mula 8% noong 2019 tungo sa 9.8% nitong 2021. Umabot sa tinatayang 828 milyong katao sa buong mundo ang nakaranas ng gutom noong 2021. Sa Pilipinas, tumaas ng halos 40% ang mga namatay dahil sa malnutrisyon mula Enero hanggang Oktubre 2021. Nakikita dito na kulang na kulang ang ayuda para sa mamamayan noong panahon ng mga lockdowns sa ating bansa.
Ang mga mahihirap ang pangunahing biktima ng malnutrisyon. Kulang na kulang ang kanilang kita upang makabili ng masustansyang pagkain para sa kanilang pamilya. Lalo na noong panahon ng pandemya, banat na banat ang budget o wala na talagang budget ang mga kabahayan. Ang pamahalaan din, said na din ang budget dahil sa lawak ng epekto ng COVID-19.
Kaya nga’t sa ganitong mga pagkakataon, kapanalig, mas nakakasakit sa loob ang mga insidente ng korapsyon na nagaganap sa ating bayan. Sa lawak at lalim ng kahirapan sa ating bansa, marami pa ring mga kawatan sa pamahalaan ang nasisikmurang magnakaw sa bayan kahit pa dumarami na ang namamatay sa malnutrisyon sa ating bansa.
Bakit nga ba naging mas mahirap labanan ang korapsyon sa bansa kahit pa ang dami ng nagbabantay at nag-iingay sa social media? Nitong mga nakaraang taon, annual na ang pagbagsak ng ating bansa sa Anti-Corruption Index. Nitong January 2022, nalalaglag na naman tayo ng dalawang baytang sa index na ito. Habang lumalala ang korapsyon sa bayan, mas maraming mamamayan ang nahihirapan.
Ang gutom at malnutrisyon kapanalig, ay kailangang makita ng lipunan na isa mga masasamang epekto ng korapsyon. Ang budget na sana ay napupunta para sa mga mahahalagang programang panlipunan na mag-aangat sa kahirapan ng mga mamamayan ay binubulsa ng mga korap. Habang hindi natin nakikita ang koneksyon na ito, mahihirapan tayong tiyakin ang sapat na pagkain at nutrisyon para sa lahat.
Noong 2015, nanawagan si Pope Francis sa pagtigil ng korapsyon sa Pilipinas. Sabi niya, “Everyone, at all levels of society, should reject every form of corruption which diverts resources from the poor.” Ang panawagan na ito ay akma pa rin sa ating panahon ngayon, at dapat nating pakinggan. Sabi nga niya: “Now, more than ever, it is necessary that political leaders be outstanding for honesty, integrity and commitment to the common good.”
Sumainyo ang Katotohanan.