198 total views
Kapanalig, sobrang hirap ng buhay ngayon. Ang buong developing Asia, nag-contract o lumiit ng 0.4% nitong 2020. Halos burahin nito ang pagsulong na nakamit na Asya bago magka-pandemya.
Ang ating bansa ngayon ay in recession – 9.5% ang binagsak ng ating gross domestic product nitong 2020. Para sa iba, tulad ng ating mga pulitiko na minamaliit lang ang kahirapan na ito at nagtataka kung bakit tayo nagrereklamo sa gutom, maliit na bagay lang ito. Hindi nila kasi ramdam ang nararamdam ng ordinaryong Filipino. Pero ang kahirapang dinadanas ng bayan ngayon ay katumbas ng gutom para sa maraming Filipino. Nitong nakaraang 2020, 7.6 milyong Filipino ang nagsabing nakaranas sila ng gutom.
Kaya nga’t marami ang nagtatrabaho pa rin sa labas kahit pa may banta ng COVID 19. Totoo, kapanalig, na nauwi sa dalawang choices o pagpipilian na lamang ang sitwasyon ng marami nating mga kababayan- gutom o covid. Buhay ang nakataya, kahit ano pa ang piliin.
Hindi sana ito mangyayari kung ating naibibigay ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Bingi at bulag tayo sa kanilang pinagdadaanan. Hindi ba natin batid na ang mga pangunahing pangangailangan ngayon ng maraming Filipino ay bakuna, social proteksyon, at tulong para sa informal sector na siyang nagbibigay trabaho sa maraming Filipino? Malabong mauna sa pila ng bakuna ang maralita, kaya nga’t sana, ating mapabilisan ang pagbigay ng suporta sa mga kabahayan at mga small entreprises o negosyo. Kahit na may pandemya, kailangan pa rin nila kumita, kailangan nila mabuhay.
Itinuturo sa atin ng ating pananalig na unahin lagi ang tunay na maralita sa ating paligid. Ngayon panahon ng pandemya, nakikita natin na taliwas sa kautusan ng Simbahan at sa ehemplo ni Hesus ang ating ginagawa. Ang maralita ngayon ay ating naging huling prayoridad-sa trabaho, sa benepisyo, sa oportunidad.
Kapanalig, ayon sa Deus Caritas Est, sa isang komunidad ng nananalig, walang puwang ang kahirapang nagnanakaw ng dignidad ng tao. Sa ating bansa ngayon, kung saan ang maralita ay kailangan mamili sa COVID o gutom, may dignidad pa ba ang maging mahirap? Nawa’y mabago natin ito, at tuluyang kilalanin ang bakas ng Panginoon sa bawa mukha ng mga dukha.
Sumainyo ang Katotohanan.