97,742 total views
Mga Kapanalig, matutunghayan natin sa Ebanghelyo ni San Mateo 9:9-13 ang pagtawag ni Hesus sa kanya, isang kolektor ng buwis, upang sumunod sa ating Panginoon. Nang makita ng mga Pariseo ang pakikisalamuha ni Hesus sa mga maniningil ng buwis at iba pang itinuturing na makasalanan noong panahong iyon, tinanong nila ang Kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” Mismong si Hesus ang sumagot sa kanila, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi handog.’”
Maalala sana natin ang mga salitang ito sa tuwing makakikita tayo sa ating komunidad at lalo na sa simbahan ng mga taong sa ating pananaw ay may malaking pagkakasala sa Diyos o para sa atin ay may kuwestiyonableng moralidad. Marahil, kasama tayo sa mga tumataas ang kilay o nagtitimpi ng ating pagkasuklam kapag nakakasalubong natin sa simbahan—o kahit saang lugar—ang mga kakilala nating babaeng nagkaanak nang hindi kasal o mga nakikipagrelasyon sa kanilang kapwa lalaki o kapwa babae. Maaaring sumasagi sa ating isip: “Hindi sila dapat tumatanggap ng sakramento ng komunyon.” O kaya naman, “Hindi sila dapat kinakausap ng mga pari o ng sinuman sa simbahan.”
Kamakailan, sinabi ng pinuno ng Dicastery for the Doctrine of the Faith na si Cardinal Víctor Manuel Fernández na ang mga babaeng nagkaroon ng anak kahit hindi kasal ay dapat pa ngang hikayating tanggapin ang mapagpagaling na kapangyarihan ng mga sakramento. Sa ibang lugar kasi, naiiláng ang mga single mother na tumanggap ng komunyon, halimbawa, o magsimba man lang dahil sa takot na husgahan sila. May mga pagkakataon pa ngang hindi na lang nila pinabibinyagan ang kanilang mga anak dahil nabuo ang kanilang sanggol sa labas ng kasagraduhan ng sakramento ng kasal.
Ngayong buwan din, pormal nang pinahihintulutan ng Vatican ang mga pari na magbigay ng “blessing” o pagbabasbas sa mga same sex couples. Hindi man ito katumbas ng pagkilala sa kanilang pagsasama na para bang mga indibidwal na tumanggap ng sakramento ng kasal, inaalis naman nito ang anumang balakid sa Simbahan na abutin ang mga kapatid nating nasa kalagayang iba sa itinuturing nating “regulár”. Walang binabago sa katuruan ng ating Simbahan ukol sa kasal sa pagitan ng isang babae at isang lalaki, ngunit ang pagpapahintulot na ito ay isang hakbang upang maging malapít—imbes na manatiling malupít—sa mga Katolikong LGBT.
Kontrobersyal para sa mga Katolikong mahigpit sa mga nakaugalian at nakasanayang tradisyon ang mga deklarasyong ito mula sa Vatican. Hindi pa nga siguro handa ang lahat sa Simbahan sa ganitong mga usapin, ngunit patuloy nating hingin ang gabay ng Espiritu Santo na siyang nangunguna sa Simbahan, ayon nga kay Pope Francis. Maaari nating tingnan ang mga deklarasyong ito bilang imbitasyon para sa mga inang hindi ikinasal sa ama ng kanilang anak o para sa mga may relasyon sa katulad nila ng kasarian na buksan ang kanilang buhay sa Panginoon. Paanyaya ito sa kanilang hingin lagi ang tulong ng Diyos upang maging mabuting magulang o mabuting karelasyon. Hindi ba’t ang pagiging mabuti ay hindi lamang para sa mga magulang na patuloy na nagsasama o para sa mga magkarelasyong babae at lalaki?
Mga Kapanalig, malalim na bahagi ng ating pananampalatayang Katoliko ang tinatawag nating synodality. Tumutukoy ito sa ating sama-samang paglalakbay sa buhay bilang bayan ng Diyos. Kaakibat nito ang pakikinig sa isa’t isa upang maunawaan kung paano tayo kinakausap ng Panginoon sa pagtatatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Sa misyong ito, wala sana tayong pinagkakaitan ng habag na siyang nais ni Hesus.
Sumainyo ang katotohanan.