418 total views
Ito ang mensahe ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Father Anton CT. Pascual sa pagsalubong ng bagong taong 2022.
Ayon sa Pari na nararapat na ipagkatiwala sa Panginoon ang darating na taon na puno ng biyaya at pagmamahal sapagkat ipinadala ng Diyos si Hesus sa sanlibutan upang tubusin sa kasalanan.
Sinabi pa ni Fr. Pascual na ang pagsilang ni Hesus ay hudyat ng katubusan at pag-asa ng mamamayan na nahaharap sa anumang banta at pagsubok sa buhay.
“Habang buhay may pagasa sapagkat may Diyos na nagmamahal sa atin at kasama natin Siya sa pagpasok ng Bagong Taon 2022. Sa harap ng mga pagsubok tulad ng mga kalamidad, tayo ay hindi nag-iisa,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Matatandaang isa ang Caritas Manila sa kagyat na nagpaabot ng kalahating milyong pisong paunang tulong sa mga diyosesis at arkidiyosesis na nasalanta ng bagyong Odette nitong Disyembre.
Patuloy na tiniyak ni Fr. Pascual sa mga nasalantang pamayanan ang pagtugon ng simbahan sa pamamagitan ng social arm ng Archdiocese of Manila sa laranagan ng rehabilitasyon at reconstruction ng mga nasirang bahay at simbahan sa Visayas, Mindanao at Palawan.
Iginiit ng opisyal na malalampasan ng mamamayan ang anumang kalamidad sa pamamagitan ng pagdadamayan at pagmamalasakit sa kapwa sa gabay ng Diyos.
“Kasama natin ni Hesus at ang buong sambayanan na haharap at sa awa ng Dyos ay magtatagumpay,” ani Fr. Pascual.
Sa kasalukuyan nasa P20.3-million pesos na ang naipamahaging tulong pinansyal ng Caritas Manila sa mga Diyosesis ng Surigao, Tagbilaran, Talibon, Maasin, Kabankalan, San Carlos, Dumaguete, Puerto Princesa at Taytay sa Palawan at sa Arkidiyosesis ng Cebu.
Matapos ang relief operation tutukan ng Caritas Manila ang reconstruction sa mga napinsalang bahay at simbahan sa mga nabanggit na lugar kaya’t patuloy din ang pangangalap ng pondo para tustusan ang proyekto.