956 total views
Mga Kapanalig, noong isang linggo, tinalakay natin sa isang editoryal ang tungkol sa pagtaas ng presyo ng sibuyas, ang planong pag-aangkat ng gobyerno, at ang posibleng negatibong epekto nito sa mga lokal na magsasaka.
Hindi pa pala sa sibuyas natatapos ang kalbaryo ng mga mamimili.
Isa ang itlog sa mga produktong nagtaas ang presyo nitong mga nakalipas na linggo. Ayon sa isang grupo ng mga egg producers sa bansa, kinailangan nilang patungan ang presyo ng itlog dahil sa kakaunting suplay nito sa mga pamilihan. Sa Metro Manila, nadagdagan ng piso ang presyo ng isang pirasong itlog. Sinisisi ng mga producers ang pagkamatay ng mga manok dahil sa bird flu. Epekto rin daw ito ng pagtaas ng presyo ng mga patuka o feeds. Marami nang nag-aalaga ng manok ang piniling tumigil na sa negosyo dahil sa pagkalugi.
Tumaas din ang presyo ng asukal. Depende sa klase ng asukal, ang presyo ng isang kilo ay maaaring umabot sa 110 piso sa mga pamilihan. Itinuturo namang dahilan sa pagsipa ng presyo ng asukal ang ipinapatong na dagdag-presyo ng mga traders at retailers na malaki daw ang ginagastos sa gasolina. Bababa lamang daw ang presyo ng asukal kung bababa rin ang presyo ng gasolina. Ang nakalulungkot pa, patuloy ang pagpasok ng smuggled na asukal, gaya na lamang ng nasabat sa 4,000 metric tons na white sugar sa Batangas kamakailan.
At dahil sa pagtaas ng presyo ng itlog at asukal, tumaas din ang presyo ng mga pagkaing ginagamit na sangkap ang mga ito. Gaya ng isinapubliko ng mga maliliit na panadero, asahan na raw nating magmamahal ang presyo ng mga tinapay at cakes.
Ilang buwan na ring binubuno ng administrasyon ni Presidente Bongbong Marcos, Jr ang pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at pagtitiyak na may sapat na suplay ng pagkaing iikot sa mga palengke at pamilihan. Ngunit sadya yatang matiisin tayong mga Pilipino. Tayo pa nga
ang nag-a-adjust kahit pa batay sa resulta ng survey ng Pulse Asia na ginawa bago manungkulan ang kasalukuyang pangulo, ang pagkontrol sa inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nangunguna sa ating mga “urgent national concerns”.
Hindi madali ang pagpapababa sa presyo ng mga bilihin. Hindi ito magagawa sa pamamagitan lamang ng isang kautusan o batas. Ngunit kung talagang seryoso ang gobyernong tulungan ang mga karaniwang Pilipinong matagal nang naghihigpit ng sinturon, marahil ay dapat nitong habulin ang mga sinasamantala ang kasalukuyang sitwasyon upang kumita. Hindi ba kaya ng awtoridad na hanapin ang mga smugglers? Hindi ba nila matutukoy ang mga traders na binabarat ang mga magsasaka ngunit ibebenta naman sa mas malaking halaga ang mga nabili nilang produkto? Ganoon nga ba sila katiwala sa merkado na madidiktahan nito ang presyo ng mga bilihin batay lamang sa demand at supply?
Ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan, tungkulin ng pulitikang tiyaking may hangganan ang merkado. Sa madaling salita, malaking trabaho ng gobyerno ang humanap at gumawa ng mga paraan upang hindi makapanamantala ang mga nais lamang kumita at upang maproteksyunan ang mga mamamayan mula sa pang-aabuso ng mga ganid sa salapi. Instrumento dapat ang gobyerno ng pagkamit natin ng kabutihang panlahat o common good; hindi ito dapat nakikipagsabwatan sa mga ang habol lamang ay kumita nang malaki sa kani-kanilang negosyo.
Mga Kapanalig, gaya nga ng ipinahihiwatig sa Roma 13:4, ang gobyerno ay itinatag upang kumilos sa ngalan ng kabutihan ng lahat. Sa isyu ng pagtaas ng presyo ng mga bilhin, paano natin nararamdaman ang ating pamahalaan? Sino ang kanilang pinapanigan at pinoprotektahan? O patuloy lang ba tayo sa pagtitiis at aasa na lang sa pagdiskarte?
Sumainyo ang katotohanan.